PAGLIKHA NG ISANG OVERSIGHT PANEL, MAHALAGA PARA MABANTAYAN ANG GALAW NG CONFI AT INTEL FUNDS

NITONG mga nakaraang linggo, inaabot tayo ng hanggang madaling araw sa Senado upang talakayin at balangkasin sa plenaryo ang panukalang 2023 national budget. Hindi naging madali ang pinagdaanan ng pagdinig.

Hinimay hanggang sa pinakamaliliit na himaymay ang budget. Aaminin natin, bagaman natapos na ito sa plenaryo at nakatakdang isalang sa bicameral committee matapos ang period of amendments, marami tayong inalam at binusisi sa ilang probisyon ng budget, partikular ang mga confidential at intelligence funds.

At dahil marami ang nagtatanong kung paanong mababantayan ang paggamit ng mga pondong ito, isang resolusyon ang isinulong ng ating Pangulo ng Senado na si Senador Miguel Zubiri.

Ito ay ang pagbuo ng isang Select Oversight Committee on Confidential and Intelligence Expenses na siyang sisilip at magmo-monitor sa takbo ng mga pondong ito.

Bilang chairman ng Senate Finance Committee, sinisiguro natin na hindi mapupunta sa katiwalian ang P500M at P150M na confidential at intelligence funds (CIFs) na mapupunta sa Tanggapan ng Pangalawang Pangulo, at sa Tanggapan ng Kalihim ng Edukasyon na kapwa pinamumunuan ni Vice President Sara Duterte.

May mga kasamahan din tayo sa Senado na ipinapanawagan na i-realign na lamang ang CIFs sa iba pang mahahalagang bagay dahil sa mga agam-agam na baka hindi magamit nang tama ang naturang mga pondo.

May mga paraan naman para masiguro at matiyak na magagamit sa tama ang CIFs. At ito ngang paglikha ng oversight committee ang isa sa mga siguradong makapagbabantay dito.

Ano po ba ang kahalagahan ng oversight committee na ito? Ito po ang mag-iimbestiga at sisilip kung paano nagamit ang CIFs na ilalagak sa iba’t ibang ahensiya na humiling nito. Base po ito sa payo nina dating Senate President Tito Sotto at former Senator Ping Lacson.

Para nga naman masiguro ang accountability at maiwasan ang posibleng pag-iral ng korapsyon na kinatakot ng lahat. Hindi nga naman biro ang mga naturang halaga, pero dahil may oversight panel, mapapanatili ang pagiging sagrado ng pondo. Sabi po kasi ng dalawa nating dating opisyal, hindi naman talaga basta-basta pinalulusot ang paggastos sa CIFs, kaya dito makikita ang kahalagahan ng masusing pagbabantay.

Dito po kasi, kailangang mapatunayan ng isang ahensya na humihiling ng CIFs na para talaga sa national security at iba pang mahahalagang programa ang gastos.

Lilinawin lamang natin ang patungkol naman sa CIFs ng Bise-Presidente na dapat daw ay i-realign na lang.

Puwede naman pag-aralan yan pero sa atin, parang hindi naman magandang gawin ‘yan sa isang opisyal na inihalal ng mayorya ng mga botanteng Pilipino.

Pinagkatiwalaan natin siya bilang Pangalawang Pangulo, kaya’t hindi naman tama na tanggalan siya ng pondo.

Personal na opinyon po natin, huwag naman nating gawin ito sa tanggapan ng Bise-Presidente. Isa pa, ang nais ng ating Pangulo, mapagtagumpayan ng Pangalawang Pangulotatak ang iniaatas ng kanyang mandato at ang kanyang mga programa. Kaya nga dalawang malalaking ahensya ang nasasailalim kay VP Sara ay dahil malaki ang tiwala sa kanya ng Punung-Ehekutibo.

At tiyak na magagampanan ng VP ang kanyang mga papel kung sya ay hindi pagdadamutan ng pondo na para naman sa kanyang mga kapaki-pakinabang na programa. Ito pong ating mahigit P5 trilyong 2023 budget ay inaasahan nating lulusot sa Senado bago matapos ang buwan ng Nobyembre para pagdating ng Disyembre, bago pa sumapit ang Kapaskuhan ay malagdaan na ni Pangulong Marcos.

PollKapag nagkagayon, siguradong may bagong budget ang gobyerno pagpasok na Enero 1, 2023.. Kabiliin-bilinan kasi ng Pangulo, dapat ay agad maipasa ang 2023 budget para tuloy-tuloy ang pagresolba sa iba’t ibang suliranin ng bansa tulad ng COVID-19 at ang tuloy-tuloy ring pagbabangon sa ating ekonomiya.