PAGLIKHA NG PEOPLE’S COUNCIL APRUB SA KAMARA

INAPRUBAHAN ng Kamara ang paglikha ng Konsehong Pambayan o “People’s Council” sa bawat lokal na pamahalaan bilang daan upang magkaroon ng mekanismo kung saan diringgin at ikokonsidera ang pananaw at opinyon ng mamamayan sa iba’t-ibang larangan ng pamamahala.

Wala isa mang tumutol habang 217 ang pumabor at anim ang hindi nagbigay ng boto nang aprobahan sa ikatlo at pinal na pagbasa ang House Bill No. 7950 o ang People Empowerment Act na inakda ni Speaker Lord Allan Jay Velasco, kasama si House Committee on People’s Participation Chairperson Rep. Forida “Rida” Robes na siyang tumalakay sa panukala, Gabriel Bordado Jr., Francis Gerald Abaya, Alfonso Umali Jr., Rosanna Vergara, Yasser Alonto Balindong, Solomon Chungalao, Macnell Lusotan at Manuel Cabochan III.

Sa ilalim ng naturang panukala, ang bawat miyembro ng bubuuing People’s Council sa bawat lokal na pamahalaan na kinabibilangan ng civil society organization (CSOs) ay kinailangang magsumite ng dokumento na magpapatunay na mahigit isang taon na ang kanilang samahan, mga aktibidad, talaan ng mga miyembro, opisyal at iba pa at kinikilala ng lokal na Sanggunian.

Maghahalal din ang People’s Council mula sa kinatawan ng sangay ng lokal na pamahalaan, lupon, konseho, komite, task forces, special government bo­dies at iba pang kahalintulad na grupo na lilikhain sa pamamagitan ng pambansa o lokal na batas.

Bibigyan din sila ng karapatang lumahok sa anumang aktibidad ng gob­yerno at programa ng lokal na pamahalaan, maghain ng panukalang batas at sumali sa antas ng komite ng lokal na Sanggunian.

Lilikha rin ang panukala ng Provincial People’s Council (PPC) sa bawat lalawigan mula sa munisipalidad at People’s Council ng lungsod na sakop ng kapangyarihan ng isang lalawigan. Ang bawat mi­yembro ng city at municipal council at maghahalal din mula sa hanay ng kinatawan sa PPC na uupo bilang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan at gagamitin ang tungkulin at kapangyarihan na kaha­lintulad ng mga miyembro ng Provincial Board.

Sa ilalim ng Saligang Batas, ang CSOs ay kinikilala bilang malaya at may sariling kakayahan bilang organisasyon na humihimok na mag-organisa ng pormal na kooperatiba, interesadong grupo, non-government organizations at iba upang maitulak ang kanilang lehitimong layunin.

Sa naturang panukala, maglalaan ng pondong panustos mula sa empowerment fund ng Department of Interior and Local Government (DILG) na gagamitin sa pagbuo ng kakayahan ng CSOs habang ang LGU naman ang magkakaloob ng pondo para sa pagpapanatili ng operasyon ng People’s Council.

Magkakaroon naman ng pagsusuri kada limang taon upang rebisahin at irekomenda ang pagsusog sa oras na masurri na ang uusbong na problema at iba pang isyu sa pagpapatupad nito.

“It will make civil society organizations more involved in local governance and create stronger partnership between the government and private sector and create an environment can participate in policy and decision-making processes countrywide,” pasasalamat ni Robes sa pagpasa natu­rang panukala.

Comments are closed.