ANG Sierra Madre ang itinuturing na pinakahuling bahagi ng kagubatan sa Luzon na nananatiling buo at hindi pa tuluyang nasisira.
Ito ang pinakamahabang bulubundukin sa buong Filipinas na umaabot sa 1.4 milyong ektarya na lupang saklaw kung saan binabaybay ng bulubunduking ito ang 10 probinsiya, kabilang na ang lalawigan ng Rizal.
Dahil sa haba, taas at laki na saklaw ng Sierra Madre, ito’y matibay ring depensa laban sa mapaminsalang bagyo dahil kaya nitong basagin o napapahina ang malakas na hanging dala ng bagyo kapag tumama sa kabundukang ito.
Kabilang din ang Sierra Madre sa iilang natitirang old-growth forests sa bansa kaya nangangahulugan ito ng napakataas na level ng biodiversity o pag-iiba-iba at pagiging katangi-tangi ng nabubuhay na mga hayop at halaman dito.
Nagsisilbing tahanan ito ng pinakamalaking bilang ng samu’t saring halaman at hayop na karamiha’y matatagpuan lamang sa Filipinas.
Ilang magagandang atraksiyon din ang maaaring makapag-ambag sa industriya ng turismo ng ating bansa.
Subalit sa paglipas ng mahabang panahon, ang Sierra Madre ay patuloy na kumakaharap sa mga banta ng degradasyon at pagkawasak.
Bilang sentro ng biodiversity at tahanan ng samu’t saring likas na yaman, palagi rin itong puntirya ng mapaminsalang mga gawain ng tao sa ngalan ng negosyo’t kapital na gaya ng pagmimina, illegal logging, ilegal na pangangaso at iba pang uri ng pang-aabuso sa kalikasan.
Kaya bilang kinatawan ng Ikalawang Distrito ng Rizal, nais kong maghain ng panukalang batas sa Kongreso para likhain ang Sierra Madre Development Authority na layuning mapangalagaan ang naturang kagubatan.
Maglalagay tayo ng mga probisyon sa ating panukala na dapat magkaroon ng rehabilitasyon sa mga watershed, maproteksiyonan ang rainforest nito at ang mga katutubong naninirahan dito ang itatalagang taga-bantay ng Sierra Madre.
Dapat na tayong kumilos para hindi tuluyang masira at masalaula ang Sierra Madre.
Kailangang pangalagaan ng gobyerno ang likas yamang taglay nito gayundin, igalang ang karapatan at kapakan na mga katutubong namumuhay rito gaya ng Dumagat – sila ang pinakamasugid na mga tanod at pinakamagigiting na tagapagtanggol ng kagubatan at likas-yaman nito.
Huwag nating hayaan na tuluyang mawasak ang Sierra Madre, sama-sama tayong kumilos upang mapanumbalik ang sigla at ganda ng kagubatan nito.
Comments are closed.