PAGLIKHA SA WATER REGULATORY COMMISSION IGINIIT

water

SINUPORTAHAN ni Senador Bong Revilla ang Executive Order 22 ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na bumubuo sa Water Resource Management Office na nilagdaan bago pa ito lumipad patungong Estados Unidos.

Ito ay habang binubuo pa ang isinumiteng panukalang batas ni Revilla sa Senado hinggil sa paglikha ng Water Regulatory Commission lalo pa at may nakaambang krisis sa tubig sa panahon ng tag-init na titindi pa sa pagpasok ng El Nino.

Ang naturang panukala ay ang “An act rationalizing the economic and administrative regulation of water utilities, creating the water regulatory commission, providing fund thereof, and for other purposes.”

Nabatid na mula sa 109 milyong Pilipino ay nasa 57 milyon ang sumusugal sa hindi tiyak kung malinis ang tubig ang kanilang ginagamit at nasa 11 milyon naman ang wala talagang mapagkukunan ng ligtas na inuming tubig sa pang-araw-araw nilang buhay.

Dahil dito, nais ni Revilla na magkaroon ng polisiya para sa water supply at ihanay ang organizational functions at responsibilities tulad ng paglipat sa MWSS, NWRB at LWUA sa iisang komisyon.

“Ang panukalang ito ay naglalayong isailalim ang mga iba’t ibang economic at administrative regulation ng mga water utilities sa iisang komisyon, upang maiwasan ang sapawan at maihatid ng maayos ang serbisyo” paliwanag ni Revilla.

Sa kabuuan ay nais ni Revilla na higit na makinabang ang consumers sa malinis at murang bayad sa tubig at makaranas ng direktang pagtugon at maiwasan ang kali- tuhan sa panig ng publiko.

-VICKY CERVALES