PAGLILINAW SA KONTROBERSIYA NG PCSO E-LOTTO

NAGLABAS ng pahayag ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na nagtatakwil sa mga akusasyong isinampa laban sa ilang opisyal ng ahensya kaugnay ng e-lotto agreement nito sa isang pribadong kompanya. Ang reklamong ito, na inihain ng grupong tinatawag na FPJPM, ay tinaguriang dubious at kaduda-duda ni PCSO General Manager Mel Robles.

Ayon kay GM Robles, ang mga teknikal na alituntunin ng PCSO para sa mga betting platforms, kabilang ang e-lotto, ay naaprubahan na ng Office of the President (OP) noong 2021.

Sinabi rin niya na ang patnubay ng OP, bilang isang gawa ng Ehekutibo, ay mananatiling balido hanggang ito ay baguhin, bawiin, o palitan ng nagbigay na awtoridad.

Dagdag pa ni GM Robles, ang pagpapatupad ng e-lotto ay alinsunod sa payo ng PCSO’s statutory counsel, ang Office of the Government Corporate Counsel (OGCC), na kinatigan ang Memorandum of Agreement (MOA) noong Agosto 30, 2023, kasama ang Pacific Online System Corporation.

Pinagtibay ng OGCC na ang mga patakaran ukol sa pagbabayad ng komisyon ay dapat na naaayon sa makatwirang gastusin, na tinukoy ng PCSO Board of Directors batay sa kanilang matalinong paghatol sa negosyo.

Ang desisyon na isulong ang e-lotto ay bahagi ng istratehiya ng PCSO upang palawakin ang merkado ng kanilang mga laro at pataasin ang kita sa pamamagitan ng online at digital betting platforms. Ito rin ang dahilan kung bakit inaprubahan ng PCSO Board ang pagtaas ng minimum guaranteed amount para sa jackpot prizes, na nagresulta sa P879 milyong kita, neto ng mga premyo.

Hindi papayag ang PCSO na manahimik sa gitna ng mga akusasyong ito. Ayon kay GM Robles, pinag-iisipan na nila ang pagsampa ng kaso laban sa mga nasa likod ng umano’y smear campaign laban sa ahensya at mga opisyal nito.

Idiniin niya na ang mga isyung binanggit sa reklamo sa Ombudsman ay matagal nang natalakay at nasagot sa mga pagdinig ng parehong kapulungan ng Kongreso.

Inihayag din ni GM Robles na ang mga reklamo ay wala nang saysay dahil naaprubahan na ng OGCC ang kasunduan. Pinagtataka rin niya kung bakit hindi kasama sa reklamo ang mga dating liderato, na nagdudulot ng hinala na ang kasong ito ay inisyatibo ng dating opisyal ng PCSO.

Nakikita natin na ang mga hakbang na isinagawa ng PCSO ay nasa balangkas ng batas at alinsunod sa patnubay ng mas mataas na awtoridad.

Dapat nating bigyan ng pagkakataon ang PCSO na linawin at ipagtanggol ang kanilang panig sa isyung ito.

Mahalaga na ang ganitong mga kontrobersiya ay maresolba sa paraang makatarungan at makatotohanan, upang mapanatili ang tiwala ng publiko sa mga institusyong nagsisilbi sa bayan.