MALINAW na isang malaking hakbang para sa bayan ng Victoria, Oriental Mindoro ang pagkakatatag ng Land Transportation Office (LTO) Victoria Extension Office.
Matagal nang pinapangarap ng mga residente ang ganitong uri ng serbisyo, at noong Pebrero 8, ito ay opisyal nang binuksan upang maglingkod sa publiko.
Ang pagtatatag ng opisina ay naisakatuparan sa ilalim ng liderato ni Richard Valencia Inciong, na tumatakbong mayor ng bayan, katuwang ang kanyang maybahay na si Nilaime Inciong.
Bilang mga pangunahing tagapagtaguyod, isinulong nila ang proyektong ito upang mailapit ang serbisyo ng LTO sa mga mamamayan ng Victoria at karatig-bayan, na dati’y kailangang bumiyahe pa sa Calapan para magproseso ng mga lisensya at rehistro ng sasakyan.
Bilang patunay ng kanilang dedikasyon, ipinagamit ng pamilya Inciong nang walang bayad ang gusaling kinatatayuan ng opisina. Ang hakbang na ito ay nagbigay-daan sa agarang pagbubukas at operasyon ng tanggapan.
Simula nang maitatag ang LTO Victoria, libo-libong residente na ang natulungan. Isa sa mga pinaka-ikinatutuwa ng mga mamamayan ay ang LTO Caravan, kung saan naibigay ang mga student permit at lisensya sa mas mababang halaga. Ang ganitong programa ay naglalayong gawing mas abot-kamay at magaan ang proseso para sa mga Victoreño.
Ang masaklap nga lang, sa kabila ng tagumpay ng LTO Victoria Extension Office, may mga batikos na naglalayong sirain ang reputasyon ng pamilya Inciong. Ang ilan ay nagpaparatang na si Richard Inciong di-umano ang responsable sa paghuli ng mga motorista sa bayan.
Mariing pinabulaanan ito ni Inciong, na binigyang-diin na ang LTO ay isang pampublikong ahensiya na pinatatakbo ng gobyerno.
Wala siyang kapangyarihan sa pagpapatakbo nito, lalo na sa paghuli ng mga lumalabag sa batas-trapiko.
Ipinaliwanag niya na ang mga enforcer ng LTO ay sumusunod sa proseso at regulasyon upang tiyakin ang kaligtasan sa lansangan.
Aniya, “Lubos kong nauunawaan ang inyong mga hinaing hinggil sa multa, ngunit ang mga regulasyong ito ay nilikha para sa inyong kapakanan. Ang disiplina sa kalsada ay mahalaga upang maiwasan ang aksidente at mapanatili ang kaligtasan ng bawat isa.”
At sa kabila ng mga negatibong usapin, nananatiling matatag si Inciong sa kanyang layuning mapabuti ang buhay ng mga residente ng Victoria.
Kasabay nito, hinikayat niya ang mga mamamayan na suriin ang intensyon ng mga naninira sa halip na agad maniwala sa mga paratang.
Aba’y sa totoo lang, ang tagumpay ng LTO Victoria Extension Office ay isang halimbawa ng kung paano maaaring magbunga ang pagsusumikap, pagkakaisa, at serbisyong may malasakit para sa kapwa.