PAGLILINIS NG ILOG PASIG, TULLAHAN PAIIGTINGIN PA

PAIIGTINGIN pa ng San Miguel Corporation ang paglilinis ng Ilog Pasig at Tullahan upang makatulong sa rehabilitasyon ng Manila Bay sa harap ng pagluluwag ng COVID-19 protocols sa mga susunod sa buwan.

Ayon kay SMC president Ramon S. Ang, mas maraming silt at solid waste ang iniaalis mula sa nasabing mga ilog upang mabawasan ang pagbaha sa mga lungsod na katabi ng Ilog Pasig at ang Navotas, Malabon, Valenzuela at Caloocan na kalapit ng Ilog Tullahan.

Ang naturang mga ilog ay palabas ng Manila Bay na itinuturong dalawa sa 10 ilog sa buong mundo na nagdadala ng plastik na basura sa karagatan, ayon sa pag-aaral na inilabas sa research website na Ourworldindata.org ngayong taon.

Bukod sa basura, itinatapon din sa mga ilog na ito ang untreated sewage mula sa mga kabahayan at katabing pabrika o industriya.

“Ipinagmamalaki namin ang dedikasyon ng mga dredging teams para malinis, mapalalim, at mapaluwag ang mga ilog bago ang tag-ulan. Dahil dito at nakatulong na mabawasan ang malubhang pagbaha sa mga lugar na kalapit ng Tullahan nitong nakaraang mga buwan,” wika ni Ang.

Umaabot na sa 90,000 metric tons ang naalis sa Ilog Pasig at inaasahang papalo ito sa 100,000 metric tons pagsapit ng kalagitnaan ng Nobyembre. Sa ngayon ay nasa 1,400 to 1,700 metric tons kada araw ang extraction output sa Pasig.

“Kapag inabot na namin ang 2,000 metric tons kada araw simula ngayong buwan na ito ay aabot na sa 50,000 metric tons ang target namin bawat buwan bago matapos ang taon. Para maabot ito ay naghanda na kami ng dagdag na equipment at tao para mapabilis ang proceso,” dagdag ni Ang.

Ang rehabilitasyon ng Ilog Pasig na pinondohan ng P2 bilyon ng SMC sa pakikipagtulungan sa Department of Environment and Natural Resources ay target na makapagtanggal ng 600,000 metric tons ng basura kada taon. Ito ay upang malinis ang tubig at mabawasan ang pagbaha.

Sa kasalukuyan ay nililinis ng SMC ang mga parte ng Pasig River na malapit sa Pandacan at Malacanang at ang sunod na prayoridad ay ang C-5 malapit sa Marikina River junction, Manila Bay at sa lugar ng Makati-Estrella area.

Para sa naman paglilinis ng Tullahan na pinondohan ng San Miguel ng P1 bilyon ay umaabot na sa 2,500 metric tons ang extraction output kada araw. Mula nang simulan ang paglilinis ng Tullahan ay umaabot na sa 522,498 metric tons ang basura at burak na natanggal sa nasabing ilog.