PAGLILINIS SA PNP TULOY-TULOY

MASAlamin

KWIDAW ang mga pulis na moonlighting bilang kriminal din dahil hindi sila sinasanto sa ilalim ng pamunuan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte. Bukod kasi mga kamasa sa paglilinis ng ating mga lansangan mula sa mga masasamang elemento,  pati pulisya ay nililinis din ng administrasyon.

Nasa 6,401 na ang bilang ng mga pulis na isinailalim sa imbestigasyon mula nang maupo si PRRD, sa bilang na ‘yan ay nasa 1,828 na mga pulis na ang inalis sa serbisyo at nasa 1,000 na mga pulis ang mino-monitor sa ngayon.

Ang agresibong kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga ay nagbubunga na ng mga positibong resulta, katulad na lamang ng dramatikong pagbaba ng crime rate sa bansa, dagsa ng mga nagpapa-rehab, historic na bilang ng mga sumukong mga drug pusher at user, at sa likod nito ay ang puwersa ng pulisya na siyang mga frontliner sa digmaan, ngunit hindi maikakaila na marami sa ating mga pulis ang kontaminado na ng ilegal na droga at kriminalidad, sa madaling salita, sila mismo ang kaaway ng batas.

Kaya sinisiguro ng administrasyon na ang ating mga frontliner sa digmaan laban sa droga at kriminalidad ay malinis at tapat sa serbisyo.

Nasa usapin na rin lamang tayo ng mga pagbabagong ating tinatamasa sa ilalim ng administrasyon, maganda itong panukala na mag­lagay ng P7 to P8 kada kilong taripa para sa imported rice. Malaki ang maitutulong nito upang mai-stabilize ang presyo ng bigas sa merkado at ang salaping malilikom dito ay ilalagay naman sa isang trust fund na ipang-susubsidiya para sa ating mga magsasaka upang mapalakas ang kanilang sektor.

Sa usapin ng trust fund para sa magsasaka, magandang balita naman ang panukalang pagprograma ng trust fund para sa coconut farmers bilang ipantutustos sa kanila taon-taon.

Sa ngayon ay may available nang pondo ang mga coconut farmer na aabot sa P105 bil­yon. Ito ay inaaral na babawasan ng P5 bilyon kada taon upang ipang-suporta sa coco farmers, sa kanilang pagtatanim, pagmimintine ng kanilang mga taniman, scholarship sa kanilang mga anak at maging mga health support o subsidy para sa kani-kanilang mga pamilya.

Kung maipinal na ito ay garantiyang 21 hanggang 25 taon ay may maaasahang suporta ang  coco farmers na P5 bil­yon taon-taon.

Comments are closed.