PAGLILIPAT NG PUV FRANCHISE PUWEDE NA

PUV

PINAYAGAN na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang paglilipat ng prangkisa o Certificate of Public Convenience (CPC) para sa public utility vehicles (PUVs).

Ayon sa LTFRB, tumatanggap ito ng aplikasyon para sa paglilipat ng CPC ng PUVs.

Ang hakbang ay kasunod ng kahilingan ng ilang transport groups, kabilang ang Nagkakaisang Samahan ng mga Nangangasiwa ng Panlalawigang Bus sa Pilipinas Inc., na repasuhin ang Memorandum Circular (MC) 2016-010.

Sa ilalim ng MC 2016-010, ipinagbabawal ng LTFRB ang pagbebenta at paglilipat ng CPCs sa ibang operators.

Ang MC 2016-010 ay ipinalabas upang maresolba ang problema ng commercialization ng CPCs ng ‘buy-and-sell’ operators na inabuso at hinaydyak ang franchising process sa pagbebenta sa CPCs/franchises para tumubo ng malaki sa halip na i-operate ito.

Ayon sa LTFRB, matapos ang pagrepaso sa MC 2016-010 at serye ng consultative meetings, ito ay nagpasyang isantabi ang prohibition, at nagkaloob ng “safeguards and parameters in the allowance of transfer of CPC to deter the fraudulent schemes the aforementioned issuance aims to avoid.”

Para alisin ang ban sa franchise transfer, inilabas ng LTFRB ang MC 2023-027 o ang Guidelines on the Transfer of Certificate of Public Convenience.

Ayon sa ahensiya, inaalis ng pinakabagong circular ang “prohibition on the acceptance of application for sale and transfer, whether voluntary or involuntary, of CPC.”

“This way, it will be easier to distribute aid to operators such as the Pantawid Pasada or Fuel Subsidy program of the government,” sabi ng LTFRB.

“Also, operators can now easily join the Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) since they will be able to transfer and register their vehicles much faster,” dagdag pa nito.

May inilatag namang mga kondisyon ang ahensiya bago payagan ang anumang aplikasyon para sa paglilipat ng CPC.

Kabilang sa mga ito ay ang CPC subject para sa paglilipat ay kailangang valid at subsisting sa oras ng aplikasyon, at dapat na saklaw ng paglilipat ang lahat ng authorized units sa ilalim ng subject CPC at walang fractional transfer of CPC na papayagan. Idinagdag pa ng LTFRB na “only two transfers shall be allowed during the validity of the CPC, provided that no transfer shall be allowed during the first year from the grant of CPC nor during the one year prior to the expiration of the validity of the CPC.”