PAGLIMITA SA ‘HOUSE PROBES’, NAKATULONG PARA MAIPASA ANG PRIORITY BILLS

Rep Salceda-2

NAGING daan umano para mas matutukan at magawang aprubahan agad ng Mababang Kapulungan ang  nakalinyang ‘priority bills’ ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ginawang paglilimita ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo sa gagawin sana nilang ‘congressional inquiry’.

Ito ang sinabi ni Albay Rep. Joey Salceda kung saan sa mahigit na 700 house resolutions na inihain para hilingin na magsagawa ng imbestigasyon ang iba’t ibang house committees, ay labing-apat lamang umano ang napahintulutan.

Ayon sa Albay solon, naniniwala si Arroyo na ‘kumakain ng malaking oras’ ng mga mambabatas ang pagkakaroon ng ‘inquiry in aid of legislation’ kung saan ang masaklap pa, karamihan sa mga ito matapos ang ginawang mga pagdinig ay wala namang na­ging resulta o panukalang batas na nairekomenda o nalilikha.

Sa halip na ‘congressional probe’, mas ninais umano ng lady speaker na magdaos na oversight hearing ang Kamara sa mga ma-hahalagang isyu upang direktang matukoy kung ano ang ugat ng problema at agad silang  makapaglapat ng kaukulang solusyon para rito.

Pinuri rin ni Salceda si Speaker Arroyo dahil sa pagiging ‘hands on’ nito sa oversight hearings na isinagawa nila dahil ‘personal’ na dumadalo sa mga ito ang huli.

Kaya naman buo ang atensiyong naibibigay ng bawat komite sa kanilang pagdinig dahil ang mismong lider ng lower house ang nandoon at nakatutok sa bawat galaw nila.

Sinabi ni Salceda na ang istilo ng pamumuno ni Arroyo at kautusan nitong limitahan ang ‘house probes’ ang dahilan kung bakit napagtuunan nila ng pansin ang pagtalakay at pagpasa sa mga mahahalagang panukalang batas na hiniling ni Pres. Duterte sa Kon-greso na maaksyunan.

Sa halos 900 na house bills na kanilang naisalang sa plenaryo, nasa 250 ang nagawa nilang maibatas kung saan kabilang dito ang Bangsamoro Organic Law, Enhanced Universal Health Care Act, Rice Tariffication Law at Tax Amnesty.   ROMER R. BUTUYAN