PAGLOBO NG COVID-19 SA NCR DAMAY ANG MGA KALAPIT NA LUGAR — UP EXPERT

covid19

NAKABABAHALA  na ang pagdami ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa National Capital Region (NCR).

Sa pagtaya ni University of the Philippines  Professor Guido David, malamang ay maaabot talaga ang projection nila na 85,000 kaso ng CO­VID-19 sa pagtatapos ng Hulyo.

Damay aniya sa p­aglobo ng COVID-19 cases sa NCR ang mga karatig na rehiyon nito tulad ng Calabarzon.

Pinayuhan ni David ang pamahalaan na paigtingin pa ang pagkilos para ma-isolate ang mga infected at mas maging mahigpit sa pagpapatupad ng lockdown sa mga pi­ling lugar.

“Ngayon kasi ang problema ‘yung mga asymptomatic hindi natin nade-detect sila kaya sila ‘yung mga silent spreaders sa NCR saka karamihan sa infection sa indoor nangyayari so, ‘yung mga outdoor hindi masyadong risk yan,” ani David sa  panayam mula sa Ratsada Balita ng DWIZ.

Samantala, pinaalalahanan ni  Senadora Cynthia Villar ang publiko na huwag masyadong ma­ging kampante ngayong pinagaan na ang quarantine restrictions sa mara­ming lugar sa bansa.

Giit ng senadora, dapat ipagpatuloy ang pagsunod sa protocol na inilatag ng Health Department para mapigilan ang pagkalat ng coronavirus.

“As we begin to adjust to the new normal way of life, we should not put our guards down. Alalahanin natin na nandyan pa rin ang virus at wala pang bakuna laban sa COVID-19 kaya kailangang sumunod sa health protocols,” pahayag ni Villar.

Binigyang-diin  nitong kayang depensahan ng sinuman ang kanilang sarili laban sa virus habang naghihintay pa ng vaccine sa pamamagitan ng pagsuot ng face masks at iba pang cloth face coverings.

Kasabay nito, namahagi si Villar ng 2,000 tarpaulin sa iba’t ibang barangay sa Las Piñas City  para paalalahanan ang mga residente sa health protocols  gaya ng pagsusuot ng  face mask, pagpapairal  ng physical distancing at madalas na paghugas ng kamay.

Tinukoy ni Villar na isang palatandaan ng economic recovery ay ang partial na pagbubukas ng mga negosyo at mga establisimiyento kaya’t umaasa itong magpapatuloy ang progreso upang makabuo ng trabaho para sa tinatayang 7.5 milyon Filipino na  nawalan ng hanapbuhay dahil sa pandemya.                      VICKY CERVALES

Comments are closed.