NAKAAALARMA na ang pagtaas ng kaso ng tuberculosis sa bansa.
Ayon sa Department of Health (DOH), pumalo sa mahigit 612,000 ang mga bagong kaso ng TB sa bansa noong nakaraang taon.
Batay sa datos mula sa Integrated Tuberculosis Information System, ang bansa ay nakapagtala ng 549 kaso ng TB sa kada 100,000 populasyon noong 2023, na mas mataas sa case notification rate na 439 kaso kada 100,000 populasyon noong 2022.
Aabot naman sa 10,426 indibidwal na may tuberculosis ang napaulat na nasawi.
Maaaring tamaan ng tuberculosis ang sinuman kaya pinakamainam na malaman ang mga paraan upang maiwasan ito at maprotektahan ang ating sarili at ang ating mga mahal sa buhay.
Isa sa pinakamahusay na paraan sa pag-iwas sa TB ay ang pagkakaroon ng kaalaman tungkol sa sakit.
Makabubuti rin na regular na magpa- check up lalo na kung nakasalamuha ang isang taong may TB.
Magsanay ng respiratory hygiene at etiquette, at ugaliing magsuot ng face mask at maghugas ng kamay.
Higit sa lahat, palakasin ang ating immune system sa pagkain na masusustansiyang pagkain, pag-eehersisyo at magkaroon ng sapat na oras ng pagtulog.
At kung may nararamdaman nang mga sintomas tulad ng ubong tumatagal ng mahigit tatlong linggo, pag-ubo na may kasamang dugo, pagkapagod o pagkahapo, pananakit ng dibdib, pagpapawis sa gabi, chills o panginginig, lagnat, pagbagsak ng timbang, at kawalan ng ganang kumain, agad na kumonsulta sa doktor.
Mahalagang maging maagap dahil laging nasa huli ang pagsisisi.