PAIIMBESTIGAHAN ni Senador Nancy Binay ang ginagawa ng Department of Health (DOH) at mga lokal na pamahalaan kaugnay sa pagdami ng nagkakasakit ng leptospirosis.
Ayon sa senadora, isyu ito ng public health na kailangan nang pagtulong-tulungan ng DOH, local government units (LGUs) at ng taumbayan.
Inihain ni Binay ang Senate Resolution No. 783, kasunod ng deklarasyon ng nasabing ahensiya na may outbreaks ng leptospirosis sa 18 barangay sa pitong siyudad ng Metro Manila.
Ayon sa DOH, umabot na sa 1,030 ang kaso ng leptospirosis sa buong Maynila mula pa noong nakaraang Enero hanggang noong nakaraang buwan ng Hunyo.
Nabatid na mas mataas ito ng 41% kompara sa naitala noong nakaraang taon. Siyam na ang naiulat na namatay sa nasabing sakit. VICKY CERVALES
Comments are closed.