ISA sa mga bagay na nagdudulot ng kalituhan sa marami ay ang usapin ng copyright. Angkop ito sa mga manlilikha, kagaya ng mga manunulat, artista, mang-aawit, kompositor, mananayaw, nobelista at makata, peryodista, potograpo, at marami pang ibang uri ng manlilikha. Mahalagang alam natin kung paano poprotektahan ang ating copyright o karapatang-ari sapagkat maaari itong pakinabangan ng ating pamilya. Bukod pa riyan, responsibilidad din nating pangalagaan ang integridad ng ating mga gawa o likha.
Kaya’t upang makatulong na mabawasan ang kalituhan sa bagay na ito, isinulat ang isang libro tungkol sa copyright, partikular para sa mga manunulat o freelance writers. Ang proyektong ito ay nasa ilalim ng Copyright Plus Program ng Intellectual Property Office of the Philippines-Bureau of Copyright and Related Rights (IPOPHL-BCRR). Ang nagsagawa ng proyekto ay ang Freelance Writers’ Guild of the Philippines (FWGP), isang asosasyon ng mga freelance writers dito sa ating bansa. Ang mga patnugot ng naturang publikasyon ay sina Imelda Morales at si Atty. Mark Robert Dy.
Maaaring makiisa ang publiko sa paglulunsad ng aklat dahil ito ay gaganapin online sa Facebook page ng FWGP sa ganap na alas-10 ng umaga sa ika-4 ng Marso. Ang mga manunulat na bumuo ng aklat ay sina: Cecile Baltasar, Concepcion Macatuno, Liezl Formilleza-Dunuan, Leslie Ann Jose Castillo, Excel Dyquiangco, Anthony John Balisi, Issa Bacsa, Lovelle Almazar, Atty. Mark Robert Dy, at Kate Jam Placido. Katulong din sa produksiyon at paglulunsad sina Trish Barba at Hark Herald Sarmiento. Maaaring bumili ng aklat (eBook version sa ngayon) sa halagang P200.
Sumulat lamang sa [email protected] upang umorder. Maaari ring magpadala ng mga komento, rekomendasyon, rebyu, at paanyaya sa address na ito. Patungkol sa huli, puwedeng anyayahan ang FWGP ng mga paaralan, kolehiyo at unibersidad, organisasyon ng journalism at Mass Comm, at mga institusyong nais magsulong ng kaalaman tungkol sa copyright para sa mga manunulat.