PAGLULUNSAD NG MANILA RESTAURANT WEEK NAGING MATAGUMPAY

MANILA RESTAURANT WEEK

NAGING  matagumpay ang paglulunsad kahapon ng ‘Manila Restaurant Week’ sa lungsod ng Maynila, sa pangunguna ni Manila Mayor Isko Moreno.

Nagsilbing panauhing pandangal sa naturang okasyon ang international singer na si Lea Salonga na umawit pa ng kanyang bagong single na ‘Dream Again’, na siya ring nagsilbing theme song ng naturang food festival.

Ayon kay Business Permit chief Levi Facundo, na siyang nag-conceptualize ng naturang food festival, may 81 pangunahing restaurant sa lungsod ang nakilahok sa naturang proyekto.

Isinagawa ang launching ng proyekto sa apat na napiling venue, na kinabibilangan ng Manila Hotel, kung saan isinagawa na kick off ng event; gayundin sa Manila Bayleaf Hotel, Lucky China Town Mall at sa Robinson’s Place sa Ermita, Manila.

Isa-isa namang binisita ni Moreno ang mga naturang venue bilang pagpapakita ng suporta sa lahat ng mga restaurateurs sa lungsod na nakiisa sa food festival.

Hinikayat pa ni Moreno ang mga naturang negosyante na huwag sumuko sa nararanasang paghina ng negosyo dulot ng pandemya ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) at sa halip ay higit pang magsumikap upang makabangong muli at mapaunlad ang kanilang negosyo.

Ayon pa sa alkalde, ang ‘Manila Restaurant Week’ ay offshoot ng ‘Manila Support Local’ campaign na una nang inilunsad ng city government upang mahikayat ang publiko na tangkilin at suportahan ang mga establisimyento na nakabase sa Maynila.

Anang alkalde, isasagawa ang Manila Restaurant Week mula Setyembre 20 hanggang 27.

Matapos ito, gagawin nang buwan-buwan ang naturang event, na idaraos sa loob ng walong araw kada buwan, hanggang sa tuluyan nang bumalik sa normal ang lahat.

YUL SERVO2
KASAMA sa mga nagpakita ng suporta sa paglulunsad ng Manila Restaurant Week si Rep. Yul Servo na nagpahayag na makatutulong ito sa muling pagbangon ng ekonomiya sa gitna ng pandemya. SCA

Samantala, sinabi naman ni Facundo na isang malaking pribilehiyo para sa lungsod ng Maynila ang ginawang pagpayag ni Salonga at ng New York-based entertainment firm na magamit ng libre ang kanilang bagong awitin, bilang theme song ng aktibidad.

Aniya, ang launching ng proyekto kahapon ay dinaluhan rin naman ng mga media, mga celebrities at influencers, na nag-ikot sa mga kalahok na res-taurant upang maipakilala ang mga pix-fixe menus ng mga ito sa livestream media sa pamamagitan ng iba’t iba at mga sikat na online platforms.

Sinabi pa ni Facundo na ang ‘Manila Restaurant Week’ ay isang citywide celebration ng ‘fine at casual gastronomic experience’ at magsisilbing behikulo para makilala pa ang mga restau-rant sa lungsod, mula aniya sa mga prominente nang kainan at mga tinagurian niyang ‘hidden gems’ o yaong mga restaurant na bagamat hindi pa sikat ay malaki ang potensiyal na mamayagpag din dahil sa ipinagmamalaki nilang masasarap at murang pagkain.

Hinimok rin naman ni Facundo ang publiko na tangkilikin ang restaurant week dahil bawat kalahok na restaurant ay mag-aalok ng kanilang mga specialties at mga bagong putahe sa affordable rates lamang. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.