INIHAYAG ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin ‘Benhur’ Abalos Jr. na masusi nang pinag-aaralan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang panukalang luwagan na ang face mask rule sa bansa.
Ayon kay Abalos, kailangan nilang pag-aralang mabuti ang naturang panukala lalo na ngayong patuloy pa rin ang laban ng bansa kontra COVID-19.
Aniya, maaaring maglabas ang IATF ng desisyon hinggil sa isyu sa katapusan ng linggong ito.
Nanatili rin naman munang tikom ang bibig ng kalihim sa pagbibigay ng detalye hinggil sa kanilang isinagawang pagpupulong.
“Well number 1, as previously agreed with the IATF, kay Pangulong Digong hanggang ngayon, everything would be kept a secret until the final result,’’ ayon kay Abalos sa isang panayam.
Humingi rin ang DILG chief ng paumanhin dahil sa kanyang pagtanggi na magbigay ng detalye hinggil sa pulong ng IATF ngunit tiniyak na ang naturang isyu ay kanilang tinalakay at pinag- aaralan sa ngayon.
Samantala, inamin rin ni Abalos na nagkausap na silang muli ni Cebu City Mayor Michael Rama at sinabi dito na alam nilang maganda ang intensiyon nito.
Sinabi rin umano niya sa alkade na makukuha nito ang gusto basta’t aprubado ito ng IATF.
“Hindi ko maintindihan yung sinasabi niya (Rama) eh. Ayoko na magkaroon ng miscommunication,” ayon kay Abalos.
“Just give me a few days. Let’s make a process here because if everyone will do as he wishes, baka magkagulo naman tayo. We respect autonomy of course but under the circumstances, we got the national law, we got the local law,’’ sinabi pa ni Abalos kay Rama.
Matatandaang ipinagpapatuloy ni Rama ang pagpapatupad ng non-obligatory na pagsusuot ng face mask sa kanilang lugar.
Una rito, inihayag ng DILG chief na pumayag si Rama, in principle, na ipagpaliban ang implementasyon ny naturang non-obligatory face mask rule hanggang hindi pa ito natatalakay sa IATF, ngunit pinabulaanan ito ng alkalde. EVELYN GARCIA