PAGLULUWAG SA NCR, MAGDADALA NG MARAMING TRABAHO — BBM

UMAASA si Presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na muling manunumbalik ang sigla ng ekonomiya at maglilikha ng maraming trabaho ang paglalagay ng pamahalaan sa mas maluwag na alert level 2 status sa Metro Manila.

Sa pahayag, sinabi ni Marcos na ito ang nauna na rin nilang panawagan na buksan na ang mga negosyo para makabawi at muling sumigla ang ekonomiya ng bansa.

“Nagpapasalamat po tayo sa pamahalaan sa mas maluwag na alert level status, dahil nakasisiguro tayo na mas mara­mi itong make-create na trabaho at muli nang makakabawi ang    ating ekonomiya,” pahayag ni Marcos.

Matatandaan na pumalo na sa 8.9 percent and unemployment rate sa bansa nitong Setyembre 2021, at ito ang itinuturing na  pinakamataas ngayong taon.

“Umaasa tayo na marami pang negosyo ang magbubukas dahil sa maluwag na alert status at mas marami ang lumalabas na tao para tangkilikin ang mga negosyo,” dagdag ni Marcos.

Kasabay nito, nanawagan naman si Marcos sa publiko na tuloy-tuloy pa rin ang pagsunod sa mga health protocols sa kabila nang pagluluwag ng alert status sa bansa.

Ayon sa kanya, hindi rin dapat magpakampante ang publiko kahit na pa­tuloy na bumababa ang mga bilang ng tinatamaan ng Covid-19.

“Ituloy natin ang buhay natin, pero isuot pa rin natin ang face mask natin, palagian pa rin tayong maghugas ng kamay at sumunod sa mga itinakda ng ating pamahalaan. Sama-sama nating labanan ang Covid-19,” giit ni Marcos.

Nanawagan din si Marcos na patuloy pang palakasin ng pamahalaan ang pagpapabakuna sa publiko dahil ito ang pinakamabisang sandata para mapuksa ang virus.

Sa pinakahuling talaan ng Department of Health (DOH), aabot na sa mahigit 63 milyon ang nabakunahan ng pamahalaan sa buong bansa. Sa kasalukuyan ay mahigit 600,000 ang binabakunahan kada-araw sa bansa  at target itong paabutin ng isang milyon katao ang matuturukan kada araw.

“Matagal na po ka­ming kaisa ng pamahalaan at nang nakararami na itong pagbabakuna ang pinaka-matibay na­ting sandata laban sa Covid,” ani Marcos.