PAGLUSOT NG ‘GOLD BILL’ SA SENADO HINILING

WALANG ipapataw  na buwis sa mga ibebentang ginto ng maliliit na gold miners sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Ito ang nilalaman ng bagong panukalang batas ni Senador Sonny Angara, ang Senate Bill 2127 na naglalayong gawing libre sa tax ang mamiminang ginto ng mga maliliit na minero. Sa pamamagitan nito ay  tiyak ang pagsigla ng gross international reserves ng bansa.

“Tahasan po akong nananawagan sa ating mga kasamahan sa Senado na sana maaprubahan agad ang Gold Bill na ito para mapalakas natin hindi lamang ang ating GIR, kundi maging ang halaga ng ating pera,” ani Angara, chairman ng Senate ways and means committee.

Aamendahan sa naturang panukala ang Sections 32 at 151 ng National Internal Revenue Code upang gawing libre sa income at excise taxes ang ibebentang ginto ng small-scale miners sa BSP.

Para kay Angara, paborable ang panukalang ito sa pagitan ng BSP at ng mga maliliit na minero sapagkat positibo ang epekto nito sa magkabilang panig.

Ayon pa kay Angara, sa pamamagitan ng panukalang ito, magagawang iahon ng BSP ang GIR ng bansa na aniya’y bumagsak sa pinakamababang antas noong Oktubre.

Liban dito, makatatanggap din ng suporta mula sa BSP ang industriya ng small-scale mining alinsunod sa isinasaad ng RA 7076 o ang People’s Small-Scale Mining Act of 1999.

Ang GIR ay ang kabuuang halaga ng dayuhang pananalapi at mga ginto na nasa pangangasiwa ng BSP. Nagsisilbi itong reserba para matiyak na ‘di tayo mauubusan ng foreign reserves na maaari nating ibayad sa imported goods and services o maging sa mga obligasyong panlabas ng Filipinas.

Sa ulat ng BSP noong Oktubre, ang ating GIR level ay $74.8 bilyon lamang at ikinokonsiderang pinakamababa mula noong Hulyo 2011 kung saan sumadsad ito sa $71.88 bilyon.

Dagdag pa ng senador, isinabatas ang RA 7076 para sa promosyon, pagpapaunlad at pa­nga­ngalaga sa small-scale mining ac-tivities upang makalikha ng mas maraming trabaho at maging patas ang distribusyon ng mga natural na yaman.

Napag-alaman na sa pagitan ng mga taong 2005 at 2010, bumili ang BSP ng halos 1 milyon troy ounces ng ginto mula sa small-scale miners. Ito ay katumbas ng 2,362 bara ng ginto.

Kasunod ng pagpapalabas ng BIR Revenue Regulation No. 6-2012, bumagsak ang gold purchases ng BSP sa 35,000 troy ounces noong 2012 hanggang tuluyang sumadsad sa 14,700 troy ounces noong 2017.

Nitong Setyembre 2018, nakabili lamang ng 7,600 troy ounces ang BSP o katumbas lamang ng 19 gold bars.

“Dahil sa bagsak na bentahan ng ginto sa BSP ng maliliit na miners, hindi rin nagawang iangat ng bangko sentral ang lebel ng GIR ng bansa,” saad pa ni Angara.  VICKY CERVALES

Comments are closed.