HINIMOK ni dating Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga mananampalataya na huwag sayangin ang pagmamahal at mga biyayang kaloob sa atin ng Diyos.
Ginawa ni Tagle ang panawagan nang pangunahan ang isang banal na misa sa Manila Cathedral nitong Linggo, sa kauna-unahang pagka-kataon matapos siyang gumaling mula sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Nakasuot ng face mask si Tagle habang nagmimisa, kung saan nagpaabot din ito ng pasasalamat sa Panginoon dahil nakarekober siya sa COVID-19, gayundin sa mga taong sama-samang nagdasal para sa kanyang agarang kagalingan.
Si Tagle ay matatandaang una nang nagpositibo sa COVID-19 noong Setyembre 10 pagdating niya sa Maynila mula sa Italy, kung saan siya ay nanunungkulan bilang Prefect of the Congregation for the Evangelization of Peoples sa Vatican.
Sa kanyang homiliya, sinabi ni Tagle na may mga tao na minahal ng Diyos ngunit sinayang lamang ang naturang pagmamahal dahil sa kanilang pagkasakim.
Hinikayat din niya ang mga mamamayan na mahalin din ang lahat ng biyayang kaloob sa atin ng Diyos.
Aniya, kahit pa binigyan tayo ng Diyos ng kasamang pinakamakulit na tao, kahit pa ‘yung babaeng nabuntis at mga matatandang may sakit, ay hindi dapat na tingnan sila bilang pabigat.
Sa halip aniya, dapat silang tanggapin at mahalin dahil sila ay bigay ng Diyos sa ating buhay.
Anang Cardinal, ipinagdiriwang ngayon ang “Season of Creation”, sa ika-27 linggo sa ordinaryong araw, kaya dapat umanong magpasala-mat ang lahat, buksan ang mata at matutong pahalagahan ang ibinigay ng Diyos at huwag itong sayangin.
“Dapat siguro na i-review ng mga tao ang kanilang lifestyle dahil baka marami na tayong sinayang sa buhay natin,” aniya pa.
Kasabay naman ng pangunguna sa naturang banal na misa, pinangunahan din ni Tagle ang Rite of Blessing sa mga ‘urn’ na kinaroroonan ng mga abo ng mga bangkay na isinailalim sa cremation.
Dahil sarado ang mga sementeryo, minabuti ng Manila Cathedral na sa simbahan na lang basbasan ang mga urn.
Isasagawa ang pagbabasbas ng mga “urn” tuwing araw ng Linggo, mula Oktubre 4 hanggang Nobyembre 8.
Ayon sa Manila Cathedral, tugon nila ito sa pastoral instruction ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo na may titulong One with Our Beloved Dead.
“From October 4 to November 8, in all our SUNDAY Masses, we will be having the Rite of Blessing of Cremated Remains. The family may bring the urn and a picture of their beloved dead, and we will celebrate a worthy liturgical blessing for them. This is in response to the call of Bishop Broderick Pabillo to make our churches welcome places of prayer and consolation specially for families who lost a loved one in this time of pandemic,” anang The Manila Cathedral sa kanilang Facebook post.
Matatandaang bahagi ng protocol sa nakakahawang sakit ang pagsusunog o pag-cremate ng mga labi ng mga namayapang COVID-19 pa-tients.
Hinikayat naman ng Manila Cathedral ang mga mananampalataya na dalhin ang urn at larawan ng kanilang mga namayapang mahal sa buhay sa simbahan upang mapabasbasan pagkatapos ng misa.
Ayon sa liham, hinihikayat rin ang mga parokya sa Maynila na maglaan ng mas maraming misa para sa mga namayapa lalo’t pansaman-talang ipasasara ang mga sementeryo sa Undas upang maiwasan ang posibleng hawahan pa ng COVID-19. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.