KAAKIBAT ng pagiging mabuting Kristiyano ang pagiging mabuting Filipino. Ito ang ibinigay na mensahe ni Novaliches Bishop-emeritus Teodoro Bacani Jr., kaugnay sa paggunita ng ika-35-anibersaryo ng EDSA People Power Revolution nitong Huwebes.
Ayon sa Obispo, hindi maaaring paghiwalayin ang pagmamahal sa Panginoon at sa kapwa, sa pagmamahal at pagmamalasakit para sa bayan at sa lipunan sapagkat ito ay bahagi ng pagiging mabuting Kristiyano na isinabuhay ni Hesus nang siya ay magkatawang tao.
“Mabuti kang Kristiyano ngunit pangit kang Filipino hindi dapat, kung gusto mong maging mabuting Kristiyano maging mabuti kang Filipino it’s as simple as that,” ang bahagi ng pahayag ni Bishop Bacani, na kabilang sa mga nagbalangkas ng 1987 Constitution, sa panayam sa church-run Radio Veritas.
Ipinaliwanag ng Obispo na kinakailangan ng mamamayan ang edukasyon sa pagiging mabuting mamamayan na maaaring simulan ng Simbahan sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga kaalaman kasabay ng pagbabahagi ng tulong lalo na sa panahon ng pandemya.
“Dapat education of the people talaga, nagkaroon tayo ng pagkakataon ngayon makalapit talaga sa mga tao, sa mga maralita sa panahon ng pandemic na ito. Itong pagkakataon na ito ay gamitin natin para ‘yung mga tao naman ay hindi lang mabigyan ng ayuda o pagkain kundi mabigyan ng edukasyon tungkol sa tunay na citizenship,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin naman ni Bacani na patuloy ang panawagan ng EDSA People Power Revolution na mawakasan na ang korupsiyon o katiwalian sa lipunan na dapat ding magsimula sa pamumuhay ng matapat at matuwid sa pang-araw-araw ng bawat mamamayan.
Ayon sa Obispo, walang dapat na maging puwang ang katiwalian at pagiging gahaman para sa pansariling interes sa halip ay dapat na mangibabaw ang kapakanan ng mas nakararami.
“Pero, tandaan natin ang pakikipaglaban sa kurapsyon ay hindi lamang minsan dapat patuloy yan at tandaan natin ang paglaban sa kurapsyon dapat una manggaling sa atin, bawat isa maging matuwid sa kanyang pamumuhay,” pagbabahagi ni Bacani.
Sa datos ng Presidential Commission on Good Governance (PCGG) tinatayang aabot ng lima hanggang 10-bilyong dolyar ang nawala sa kaban ng bayan sa ilalim ng rehimeng Marcos.
Sa tala naman ng Amnesty International, aabot sa mahigit 34,000 Filipino ang dumanas ng pang-aabuso at iba’t ibang uri ng karahasan bukod pa sa 70,000 nakulong at 3,240 katao ang napaslang noong Martial law. Ana Rosario Hernandez
Comments are closed.