CAVITE- HINDI magiging hadlang ang bawat rehas na bakal upang mapag-isang dibdib ang pagmamahalan nina Erwin Jose Sacapaño, 27-,anyos at Rosemarie Astor, 25-anyos, kapwa naninirahan sa Brgy. Wawa II sa bayan nge Rosario sa lalawigang ito.
Nakaplano na talagang magpakasal ang dalawa sa programa ng lokal na pamahalaan na “kasalinas”, subalit sa hindi inaasahang pagkakataon ay nadawit ang lalaki sa isang kaso na naging dahilan ng kanyang pagkakakulong sa Rosario Police Station.
“Hindi pwedeng maudlot ang aming kasal. Matagal na naming pinagplanuhan ito. Bago ako lumipad patungong Middle East kailangang maikasal kami ni Erwin”, masayang kuwento ni Rosemarie.
Pinangunahan ni Rev. Buddy Villacruz ng Simbahang Katoliko Pilipinong Kristiyano ng Dioceses of Cavite ang pagpapakasal sa dalawa.
Ikinatuwa naman ng mga kakosa ni Erwin ang pangyayari, lalo na’t ito diumano ang kauna-unahang pagkakataon na may nangyaring kasalan sa loob ng kulungan na kanilang personal na nasaksihan.
“Natupad din ang aming pangarap na maikasal. Mahal na mahal kita Rosemarie. Huwag kang mag-alala, kapag nakalaya ako dito, susuklian ko ang lahat ng pagkukulang ko sa’yo”, madamdaming paliwanag ni Erwin.
Samantala, isang mainit na pagbati at masigabong palakpakan naman ang ipinadama ng buong kapulisan ng Rosario MPS sa bagong kasal.
SID SAMANIEGO