PAGPABOR NI GRAY SA MARIJUANA OK KAY SOTTO

Senate President Vicente Sotto III

LEGAL umano ang ma­rijuana kung gagamitin ito bilang uri ng gamot sa isang taong may sakit.

Ito ang reaksiyon ni Senate President Vicente Sotto sa plano ng ilang mambabatas na nais na magsagawa ng imbestigasyon kung dapat bang gawing legal ang marijuana for medical use.

Ayon sa senador, ang Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002,  section 2 na maaaring payagan ng gobyerno na gumamit ng ipinagbabawal na gamot tulad ng marijuana ang isang may sakit na indibidwal basta rekomendado ng doktor at aprubado ng Food and Drugs Administration (FDA).

Dagdag pa ni Sotto, maraming hindi naka­aalam nito na maging ang ilan nitong kasamahang mambabatas na pinayuhan pa na basahin ang naturang batas.

Ipinagtanggol pa ng senador si Miss Universe 2018 Catriona Gray sa naging sagot nito na hindi masama ang marijuana kung gagamitin bilang gamot o oil cannabis.

Sinabi pa ni Sotto, tama ang naging sagot ni Gray dahil matagal ng nakasaad sa batas ang paggamit ng marijuana bilang medical use basta’t aprubado ng FDA.

Sa kabila nito, iginiit ng senador na mahigpit na ipinagbabawal sa batas ang pagtatanim ng marijuana at gamitin itong recreational o hithitin dahil nakasasama ito sa kalusugan. VICKY CERVALES

Comments are closed.