PAGPALAIN ANG MGA MAGSASAKA

SI  Sheryl (hindi tunay na pangalan) ay isang bagong lola, maybahay, ina, magsasaka, at estudyante. Nagtitinda siya ng unsoy at adobong mani isang Sabado ng hapon sa Bendita, Magallanes, Cavite. Nasabi sa akin na kinakailangan niyang magtinda-tinda para madagdagan ang kita habang siya ay nag-aaral upang makamit ang inaatim na diploma mula sa senior high school. Siyempre, bukod pa rito, may apo at mga anak siyang inaaruga, tahanan na inaasikaso, at maliit na negosyong pinapatakbo. Mailalarawan si Sheryl bilang masipag, matiyaga at masayahin.

Ilang kilometro lamang mula sa lugar kung saan naglalako si Sheryl ng kanyang mga paninda ay matatagpuan ang business owners’ cooperative sa harap ng munisipyo. Dito dinadala ng mga magsasaka, karamihan sa kanila ay mga kababaihan, ang kanilang mga produkto para ibenta. Matatagpuan dito ang mga supot ng kape, sikwate, tsaa, muscovado na asukal, pamintang buo, banana chips, kasama ang mga bote ng tomato pickles, suka, chutney, at iba pang food items. Buo ang suporta ng kanilang mayora, si Hon. Jasmin Bautista, sa mga magsasaka at kababaihan.

Sinusuportahan ng pamahalaang lokal ang kooperatiba at tinatangkilik ang mga produkto ng mga magsasaka tuwing namimigay ang munisipyo at opisina ng alkalde ng panregalo sa mga bisita ng bayan. Siyempre, ang tindahan sa loob ng opisina ng kooperatiba ay bukas para sa publiko.

Ang mga magsasaka sa Magallanes, Cavite ay nag-organisa rin ng tinatawag nilang Pick and Pay na sistema kung saan maaaring mamitas ang mga kostumer ng sariwang gulay mula sa bukid. Titimbangin at babayaran nila ang mga ito bago lisanin ang lugar.
(Itutuloy…)