(Pagpapatuloy…)
Ang mga kamatis at iba pang ani na hindi na maibenta ng mga magsasaka sa kanilang mga kliyente ay ginagawang tomato powder, sun-dried tomatoes, tomato pickles, tsaa, at iba pa. Nalaman ko kasing istrikto ang karamihan ng mga kumpanyang bumibili ng produkto ng mga magsasaka. Halimbawa, may takdang laki lamang silang tinatanggap, kaya’t kung mas maliit dito ang isang bunga, hindi na ito maibebenta ng nagtanim. Kaya naman, upang maiwasang masayang ang mga ito, gumagawa ang mga magsasaka ng iba’t-ibang produkto na kanila namang ibinebenta sa pamamagitan ng kooperatiba at kung minsan ay sa Pick ’n Pay outlet nila.
Makikita natin sa mga halimbawang nabanggit na masisipag at maparaan hindi lamang ang mga nagsasaka at nagtatanim sa Magallanes, Cavite, kung hindi ay katangi-tanging ugali ito ng mga Pilipinong magsasaka. Sila ay nagtutulungan, mapagbigay, at masayahin habang gumagawa. Bukas sila upang matuto ng bagong teknolohiya at kaalaman upang makasabay sa mga pagbabago sa larangan ng agrikultura sa loob at labas ng bansa. Kaya man nilang tumindig sa sariling sikap ay lubos silang nagpapasalamat sa suporta mula sa pamahalaan, mga pribadong kumpanya, kostumer at publiko, at maging mga kaagapay na grupo at indibidwal mula sa ibayong dagat. Nalaman ko ring may organisasyon mula Canada ang kasalukuyang tumutulong sa mga magsasaka sa Magallanes upang palawakin at palalimin pa ang kanilang kaalaman at kasanayan.
Tunay na dapat tayong magpasalamat sa ahensiya ng pamahalaan na tumutulong sa sektor pang-agrikultura at sa ating mga magsasaka.
Patuloy rin tayong sumuporta sa panawagan nila upang magkaroon ng mas mabuti pang mga polisiya at programa upang masuportahan ang kanilang kabuhayan at matugunan ang pangangailangan sa pagkain ng buong bansa.
Kahit na maraming isyu sa kasalukuyan sa sektor pang-agrikultura—isa na rito syempre ang napakataas ng presyo ng sibuyas at iba pang bilihin sa merkado—totoo rin namang ang agrikultura ng bansa ang isa sa pinakamahalagang yaman ng Pilipinas. Kaya naman kinakailangan itong pagyamanin, linangin, bigyang halaga, at pag-ukulan ng pansin, atensiyon, at konkretong aksyon.