MUKHANG patungo sa pag -absuwelto ang huling drug case ni dating Senador Leila de Lima.
Ito ang pagtaya ni dating Presidential Spokesman Harry Roque sa panayam kahapon ng mga mamamahayag makaraang pansamantalang mapalaya sa pamamagitan ng pag apruba ng hukuman sa kanyang petition for bail.
Ayon kay Roque, kung pagbabatayan ang naging desisyon ng korte, hindi malakas ang ebidensiya kaya pinayagan itong maglagak ng piyansa.
“Mukhang patungo na doon yun kasi kung malakas ang ebidensiya eh di ipinagkait ang piyansa sa kanya.Well, ang sabi nga ng hukuman nung na-grant siya ng bail na hindi malakas ang ebidensiya laban sa kanya,” sabi ni Roque.
Sinabi ni Roque na bagamat iginagalang niya ang naging desisyon ng korte sa pagpayag na makapagpiyansa si de Lima subalit mayroon itong mga alinlangan sa naging desisyon.
Nangangamba si Roque na ang ganitong desisyon ay magbibigay ng lakas ng loob sa mga tao na magsinungaling sa hukuman. Mismong ang mga testigo na nagdiin kay De Lima ang siyang bumaligtad at binawi ang kanilang mga naunang testimonya na nag- uugnay kay De Lima sa kalakalan ng droga sa loob ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa.
“Sa akin lang naman ang mga ganitong desisyon ay magbibigay lakas loob doon sa mga tao na magsinungaling sa hukuman at sa akin hindi tama iyon,” giit ni Roque. Ang testimonya sa hukuman ay sagrado, hindi dapat minamaliit ang importansiya ng pagsasabi ng totoo lalo na kung ito ay sinumpaang salaysay sa harap ng hukuman,” dagdag pa ni Roque.
Bagamat nirerespeto ni Roque ang hukuman dahil sa integridad at pagiging independiyente nito subalit sa ganitong desisyon ay balewala na ang panunumpa bago magbigay ng testimonya sa hukuman na pawang katotohanan lamang ang sasabihin.
Nauna rito ay ibinasura na rin ang dalawa pang kaso laban sa dating senador.
EVELYN QUIROZ