PAGPANAW NI JOMA MALAKING DAGOK SA NPA

NANINIWALA ang Philippine National Police (PNP) na malaking dagok at tuluyang paghina sa puwersa ng New People’s Army (NPA) ang pagpanaw ni Communist Party of the Philippines (CPP) Founding Chairman Jose Maria Sison.

Ito ang inihayag ni PNP Public Information Chief Col. Redrico Maranan at sinabing bagaman may positibong bagay ang pagkamatay ni Sison, hindi naman nangangahulugang ikinagagalak ng pulisya at maging ng pamahalaan ang pangyayari.

Bilang law enforcer, naniniwala si Maranan na higit na manlulupaypay ang mga kaalyado ni Sison lalo na ang mga miyembro ng CPP-NPA.

“Ang pagpanaw ng isang tao ay hindi naman nagdudulot ng kagalakan sa kanino man subalit dito tinitingnan natin on a positive note at bilang law enforcement officer ay ito ay malaking dagok din doon sa CPP-NPA sapagkat nawalan na sila nung tinitingnan nilang lider,” ayon kay Maranan.

Magugunitang si Sison ay pumanaw sa edad na 83, Biyernes ng gabi o sampung araw bago ang 54 anibersarypo ng CPP.

Ang CPP ay binuo ni Sison noong Disyembre 26, 1968 at noong huling bahagi ng 1980 ay na-exile ito sa The Netherlands. EUNICE CELARIO