GOOD day mga kapasada!
Nitong mga nakaraang linggo ng gabi, alangan sa oras nang kumiriring ang aming telepono.
Siyempre, sa gayong oras ng gabi, sino ba ang hindi mababahala at sa totoo lang, sobra ang kaba nang dibdib at nag-aatubili akong damputin ang aming telepono para sagutin ang tumatawag.
E, ano pa nga ba ang aking magagawa. Nangangatog ang aking kamay nang damputin ko ang telepono at inalam kung sino ang tumawag.
Aba, e, akalain ba naman ninyong isa sa mga residente sa aming subdivision ang tumatawag at sa unang salbo ng kanyang pananalita ay dama ko na medyo garalgal ang kanyang boses. Hindi ko alam kung likha ng pagkatakot, pagkayamot o kombinasyon ng takot at yamot.
Mga kapasada, inihihingi ko ng paumanhin kung gamitin ko ang mga kataga ni brutus sa lamay sa burol ni Julius Caesar.
“Countrymen, please lend me your ears.” Mga kapasada, manainga kayo. At ito po ay kaugnay sa paksang ating tatalakayin ngayon.
REKLAMO NG TUMAWAG SA TELEPONO
Maramdamin at punumpuno ng hinagpis ang tinig ng tumawag. Gayunman, humingi naman ng paumanhin at saka nagpaliwanag kung bakit sa gayong oras ng gabi ay napatawag siya.
Ayon sa tumawag, ano raw ba ang magagawa ng Patnubay ng Drayber sa kanyang problema. Hindi ako nangako, ngunit sinabi ko na ipararating ko ang kanyang hinaing sa kinauukulan.
Ang hinaing: alangan sa oras sa umaga ang kanyang kapitbahay kung mag-report sa kompanyang kanyang pinapasukan at malalim na rin ang gabi kung umuwi.
Ang problema: Sobra ang ingay kung paandarin ang kanyang motorsiklo at todo itong inirerebulosyon bagay na nagdulot ng phobia sa kanyang dalawang taong gulang na anak.
Tulog pa ang kanyang anak sa umaga kung umalis itong kanyang kapitbahay gayundin sa gabi kung ito ay dumarating na lubhang nagdulot ng takot sa paslit at pumapalahaw ng iyak sa tuwing maririnig ang malakas at nakatutulig ng taingang ingay ng motorsiklo ng kapitbahay.
ALL OUT WAR NG LTO SA MATINDING INGAY
SA PAGPAPAANDAR NG MOTORSIKLO
Pagkalipas ng mga ilang araw, nagdeklara naman ang Land Transportation Office (LTO) ng all out war laban sa proliferation ng mga motorcycle with exhaust system emitting na sobrang ingay o irritating modified muffler.
Dahil na rin marahil sa maraming sumbong na tinatanggap ng LTO mula sa mga naiiritang mamamayan na naiingayan sa inaasal ng ilang mga may-ari ng motorsiklo, nagpalabas naman si Transportation Assistant Secretary and LTO chief Edgar Galvante ng kautusang nagbabawal sa lubhang napakaingay na pagpapandar ng motorsiklo lalo na sa mga alangang oras sa gabi na lubhang nagdudulot ng matinding ingay sa mga kapitbahay.
Ipinag-utos ni Galvante sa kanyang mga regional director, district chiefs, law enforcers personnel at sa lahat ng kinauukulang tauhan ng LTO na patindihin ang kanilang kampanya laban sa mga batas tungkol dito.
Sinabi ni Galvante na ang sino man sa mga motorcycle riders na mahuling lumabag sa batas na ipinaiiral ay papagmultahin ng Php5,000 bukod pa sa ibang multang ipapataw ng LTO.
Binigyang diin ni LTO Chief Galvante na “with existing policies in place and in compliance with the directive of President Rodrigo Roa Duterte to enforce the prohibition against broom broom (motorcycles with modified mufflers causing undesirable/irritating sound), you are hereby directed to implement stringent enforcement activities against the operation of such motorcycle.”
Ito ang mariing naging pahayag ni Galvante sa kanyang ipinalabas na memo noong Abril 29, 2019.
Labis namang nagpaabot ng pasasalamat ‘yung tumawag ng pansin sa pitak na ito na nagkaroon daw ng kapanatagan ang kanyang dalawang taong gulang na anak ngayong wala na itong naririnig na ingay ng motorsiklo ng kanilang kapitbahay sa umaga pagpumapasok sa trabaho at sa pag-uwi nito sa gabi.
REGULASYON NG LTO TUNGKOL SA TAMBUTSO NG MC
Base sa ipinaiiral na batas ng LTO, ang tambutso ng motorsiklong nagbubuga ng ingay ay kailangang hindi sosobra sa 115 decibels at huhulihin kapag sumobra sa pinahihintulutang ingay na may katumbas na multang ipapataw.
Ipinag-utos sa lahat ng LTO enforcers na kumpiskahin ang license plates ng mga mahuhuling violators at yaong hindi pa nabibigyan ng license plates ay huhulihin din at i-impound.
Labis namang pinasalamatan ng mananakayang mamamayan si Assec Galvante sa pagkakaroon nito ng political will sa intensibong pagpapatupad ng batas laban sa sobrang ingay na idinudulot ng mga motorsiklo at tricycle.
WALANG IPINALABAS NA TRO VS BUS BAN SA EDSA
Kabiguan ang natamo ng mga mambabatas (lawmakers) na dumulog sa kataas-taasang hukuman (supreme court) upang hilingin na pigilin ang Metro Manila Development Authority (MMDA) sa pagbabawal (banning) ng provincial buses sa EDSA.
Kabilang sa mga mambabatas na naghain ng petisyon sa Korte Suprema ay sina AKO Bicol Paty list Rep. Ronald Ang, Alfredo Garbin, Jr. at 2nd District Representative Joey Salceda na kabilang sa agenda ng Supreme Court Justices nang muling ipagpatuloy ang kanilang regular session noong Martes.
Samantala, ipinasiya naman ng kataas-taasang hukuman na ipagpaliban ang kanilang aksiyon tungkol sa petisyon at sa halip ay ipinagpaliban ang deliberasyon ukol dito sa kanilang regular na session sa ika-25 ng Hunyo.
Ayon sa isang ayaw pakilalang source, ang dahilan ng pagka-otaba sa pagtalakay ay walang makitang sapat na dahilan upang pagbigyan ang pestisyon ng urgency to act on na inihain ng mga partylist representative noong Abril 29 at Mayo 27 na kapuwa humihingi ng issuance ng temporary restraining order (TRO) para mapigil na maipatupad ang implementasyon ng MMDA’s Regulationn No. 19-002.
MMDA: WALANG BAWI SA BUS BAN SA EDSA
Matindi naman ang paninindigan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na hindi nila iuurong ang kanilang kontrobersiyal na patakaran tungkol sa pagbabawal sa mga provincial busses sa kahabaan ng EDSA.
Sa idinaos na house hearing kamakailan ng house committee on transportation, ibinulalas ni MMDA traffic chief Bong Nebrija na ang layunin at intensiyon ng polisiya ay upang alisin ang 47 provincial bus terminals na bagsakan ng sisi sa pagkakaroon ng buhol ng trapiko sa EDSA.
LAGING TATANDAAN: Umiwas sa aksidente upang buhay ay bumuti.
HAPPY MOTORING!
(Photos from google.com)
Comments are closed.