PAGPAPABABA SA SINGIL SA KORYENTE SA PALAWAN ISINUSULONG

NAIS ni Senador Win Gatchalian na pababain ang singil sa koryente sa Palawan kasunod ng mga rate hike na ipinatupad ng Palawan Electric Cooperatives o PALECO.

Sa isang liham kay Energy Secretary Raphael Lotilla, hiniling ni Gatchalian sa Department of Energy (DOE) na pag-isipang maigi ang polisiya nitong tanggalin ang subsidiya, sa pamamagitan ng universal charge para sa missionary electrification (UC-ME), mula sa PALECO, dahil lubhang naapektuhan ang mga konsyumer na pumapasan sa mataas na generation charge.

Nauna nang pumasok ang PALECO sa dalawang Emergency Power Supply Agreement (EPSA) kasunod ng utos ng Energy Regulatory Commission (ERC) na tapusin na ang power supply agreement (PSA) nitong 20 megawatts sa Delta P, Inc. (DPI) dahil hindi umano ito sumunod sa competitive selection process (CSP) na requirement ng DOE.
Nagbunsod din ng isa pang EPSA sa DMCI Power Corp. (DPC) ang pag-expire ng PSA ng PALECO sa Power Generation, Inc. para sa 7.2 MW na suplay ng koryente, ang naantalang pagpasok ng bago nitong PSA sa S.I. Power Corp., at ang pagtugon sa tumataas na demand.

Dahil ang dalawang EPSA ay walang karapatan sa UC-ME subsidy, ang blended generation charge ng mga konsyumer ay tumaas sa P9.7858 noong Pebrero 2024 mula P6.9520 noong Oktubre 2023 o 45.94% na pagtaas.

“Bagama’t naiintindihan ko na ang layunin ng polisiya sa likod ng non-entitlement ng mga EPSA sa UC-ME ay para panagutin ang mga distribution utility sa kanilang kabiguang magsagawa ng maayos na projection at pamahalaan ang demand sa kanilang mga nasasakupan, iminumungkahi ko na isaalang-alang ito nang maigi para sa kapakanan ng mga consumers,” ani Gatchalian, vice-chair ng Senate Committee on Energy.

Ayon kay Gatchalian, ang non-entitlement sa UC-ME ay angkop lamang sa mga EPSA na hindi resulta ng force majeure na lagpas sa kontrol ng distribution utilities (DUs).

“Dahil ang force majeure ay lagpas sa kontrol ng distribution utilities, hindi dapat pinaparusahan ang mga konsyumer dahil dito,” sabi ni Gatchalian kay Lotilla.

Sinabi rin niya na ang pagkakaiba sa pagitan ng subsidized approved generation rate at ang tunay na cost generation rate ay dapat bayaran ng DU mula sa sarili nitong pondo at hindi dapat ipasa sa mga konsyumer.

“Kung ang EPSA ay resulta ng isang aksyon o hindi pagkilos ng DU, ang DU mismo at hindi ang mga mamimili ang dapat na sumalo sa gastos,” pagtatapos ng senador.
VICKY CERVALES