PAGPAPAGILING NG PALAY SA BULACAN SINIMULAN NA NG NFA

Palay

SINIMULAN na nang National Food Authority (NFA) Bulacan ang paggiling ng mga nakaimbak na palay sa mga pribadong negos­yante na binili mula sa mga magsasaka.

Ayon kay Ed Camua, acting provincial mana­ger ng NFA-Bulacan, tinatayang nasa 12 private traders mula sa Intercity Industrial Estate sa Bocaue at isa sa major rice trading center ang nagsimula ng test-milling ng NFA palay stocks sa naturang probinsiya.

Napag-alamang mayroon pang halos 600,000 sako ng palay ang NFA mula sa iba’t ibang warehouses sa Bulacan na nakatakda ring gilingin ngayong Oktubre.

Inaasahang sa pamamagitan nito ay maiiwasan na magkaroon ng aberya sa stock ng palay ang mga warehouse ng NFA para sa mga darating pang ani ng palay.

Ipinaliwanag naman ni NFA regional director for Central Luzon Piolito Santos na ang naturang test-milling procedures ng mga pri­badong negosyante ay kailangang pumasa sa technical specifications ng butil ng palay sa NFA bago maibigay sa kanila  ang paggiling ng palay.

“The private traders will have to return to the NFA the 63 percent of the rice equivalent of the palay stocks that they will be milling and excess milling recovery and its by-products will be retained by the millers as milling fee payment,” pahayag ni Santos.

Nabatid na mayroong tinatayang 1.9 mil­yong palay stocks ang NFA mula sa iba’t ibang warehouses nito sa Central Luzon.

Samantala, sinabi ni Camua na nagsimula na rin ang NFA sa pagbili ng mga unhusked rice produce mula sa mga lokal na magsasaka bilang paghahanda na rin ngayong tag-ulan sa halagang P19 kada kilo para sa tuyo at malinis nang palay na may 14 porsiyentong moisture content habang ang mga bagong ani naman ng palay ay nasa 30 porsiyento ng moisture content na binibili sa halagang P14 bawat kilo.

Ani Camua, target ng NFA ngayong Oktubre na makabili ng 200,000 bags ng palay mula sa mga mag-sasaka sa Bulacan habang kanilang ipakakalat ang tinatayang 150,000 bags na imported rice mula sa kanilang warehouses sa Bulacan. BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.