PAGPAPAHABA NG ECQ SA COVID-19 PINURI

Joey Sarte Salceda

PINURI  ni House Ways and Means Committee Chair Joey Sarte Salceda (Albay, 2nd district) ang pasya ni Panglong Duterte na ituloy hanggang ika-30 ng Abril ang ‘Enhanced Community Quarantine (ECQ) lockdown’ sa Luzon, at dapat ngang ituloy ito “dahil hindi kailanman ipinakita sa kasaysayan at ekonomiya na ang  pagpapahaba ay hindi pagpili kung alin sa buhay ng tao at kabuhayan ang higit na mahalaga.”

“Kahit ang pagpapalambot sa ECQ ay katumbas ng dobleng pagbawi ng buhay at pagpatay sa ekonomiya. Nangangahulugan ito ng pagbawi sa maraming buhay na nailigtas na at ibayong pagkalugi ng kabuhayan sa hinaharap. Kung pahahabain ang ECQ, maililigtas ang maraming buhay at mapapabilis lalo ang pagbangon ng ekonomiya,” paliwanag niya.

Ang pahayag ni Salceda sa isang panayam ay reaksiyon sa ilang panukala na palambutin ang ECQ o itigil ito sa ilang lugar o kaya ay tuluyan na itong alisin. “Kung magkaganon, higit na marami ang mamamatay at sisidhi lalo  ang takot sa magpapatuloy na pananalasa ng ‘virus,’ at lalong mahihirapang bumangon ang ekonomiya dahil ang buhay ng mga mamamayan at ang  tiwala nila ang pinakamahalagang puhunan ng ekonomiya at wala silang kapalit,” dagdag niya.

Binanggit ng mambabatas ang ulat kamakailan ng mga Amerikanong eknonomistang sina Correa, Luck at Verner kung saan sinabi nilang “sa flu pandemic noong 1918, nabawasan ang bilang ng mga namatay at higit na madaling nakabangon ang mga lungsod ng Amerika na nagkaroon ng higit na mahabang ‘lockdown.’” Ipinahiwatig ng naturang ulat na “napakahalaga ng ginampanang papel ng  mga NPI (‘no-pharmaceutical interventions’) gaya ng ‘lockdowns,’ sa pagpapaunti sa bilang ng mga namatay habang hindi natigil ang mga ‘economic activity, at ang mga lungsod na nagkaroon ng higit na mahabang NPI ay higit na mabilis na nakabangon.”

Ayon kay Salceda, ang ebidensiyang ito na nakasaad sa kasaysayan ay nagsasabing kung tama ang pagamit sa panahon para lalong mapalakas ang kakayahan,  mapapahusay ang sistema ng pangangalaga, at maiwasan ang mga pagkakamali, gaya ng wala sa panahong pagtigil ng ‘lockdown,’  mapabababa ang bilang ng mga mamamatay at lalong mapapabilis ang pagbangon.”

“Batay sa personal kong karanasan, napababa ng 10 puntos ng aming doktrinang ‘zero-casualty’ ang kahirapan sa Albay sa17.6% noon 2015 bago ako lumisan, mula sa 28.7% noong 2007 nang una akong umupo bilang gubernador ng Albay na malimit salasain ng mga kalamidad. Iyon ang pinakamababa sa buong Bikol. Napatunayan ng naturang doktrina sa mga Albayano na may malasakit kami sa kanila. Ang buhay ng mga mamamayan ang pinakamahalagang yaman ng ekonomiya,” salaysay ni Salceda, isang kilalang ekonomista at eksperto sa ‘disaster risk reduction.’

Bago pa nanalasa ang COVID, naghain na si Salceda noong Enero pa sa Kamara ng panukalang batas na ‘health emergency framework’ na kasama ang layuning magtatag ng isang ‘Center for Disease Control (CDC). Noong ika-4 ng Pebrero nagsumite siya ng isang ‘aide memoire’ sa pamunuan ng Kamara kung saan nakasaad ang mga panukalang hakbang laban sa banta ng COVID, kasama ang pagpapalawak ng mga pangka-lusugang pasilidad.

Isang linggo bago pa idineklara ang ECQ, nanawagan si Salceda na ilagay sa ‘lockdown’ ang Kamaynilaan matapos matiyak na may ‘community transmission’ na nga ang COVID-19. Nagsumite rin siya ng liham-ulat sa Pangulo kung saan ipinanukala niya kung paano dapat mabigyan ng ayuda ang mahihirap sa ilalim ng balangkas ng ‘Bayanihan to Heal as One Act,’ ‘mass testing’ at mga hakbang pagkatapos ng ECQ. “Malimit kaming magsumite ng detalyadong mga ulat sa mga pamunuan ng gobyerno at Kamara kaugnay sa suliraning ito. Hinda haka-haka lamang ang mga ulat namin dahil batay iyon sa mga ‘available statistical models, research, at mga naging karanasan ko bilang ‘crisis manager,’” sabi niya.

Ayon kay Salceda, batay sa ‘monitoring’ ng kanya ‘team,’ tumataas pa ang panghahawa ng COVID. “Nadodoble ang bilang ng mga nahahawaaan sa loob ng 4.7 araw lamang kaya ang bilang ngayon ay madodoble bago lumipas ang limang araw, kung hindi mapapabagal ang pagkalat nito. Sa ngayon hindi pa pinakamataas ang kasalukuyang bilang, at ito’y kakatigan ng mga ‘doctor, public health expert, or data scien-tist,” pahayag niya.

“Sinasabi rin ng iba pang mga nakakaunawa, gaya ni dating BSP Deputy Gov. Diwa Gunigundo na ang ‘pagpapahaba sa ‘lockdown’ ay magiging daan ng makabuluhan at pangmatagalang pag-unlad. Gayon din ang sabi ng   ‘Economist magazine’ na ang “wala sa panahong pagtigil ng ‘lockdown’ sa buong mundo ng mga pamahalaang tila lalong pinahahalagahan ang lusog ng kanilang ekonomiya kaysa sa kalusugan ng kanilang mga mamamayan ay malamang umani ng kabiguan sa kapwa aspeto,” dagdag ni Salceda.

Comments are closed.