NGAYONG papalapit na ang Semana Santa, muling ihahayag ng mga relihiyoso at iba’ t ibang personahe ang kahalagahan ng pagpapayaman sa relasyon ng sangkatauhan sa Maykapal sa magkakaibang paraan at paniniwala.
Ang pagsasadula ng Passion of Christ ng Simbahang Katolika gayundin ang ibang relihiyon ay ipinakikita ang halaga ng buhay at sakripisyo.
Dahil mismong si Hesu Kristo ang tumubos sa kasalanan ng sangkatauhan at mismong buhay niya ang ibinayad na labis na ikinalungkot ng lahat nang mamatay siya.
Ibig sabihin nito, magdudulot ng pighati ang pagkawala ng buhay ng tao.
Dahil sa paglalarawan na mahalaga ang buhay, nais naming kondenahin naman ang walang awang pagkitil sa mag-inang Lorry at Mai sa Quezon.
Kung totoo nga na mismong kapatid pa nito ang suspek sa pagbawi sa buhay ng mag-ina na bumisita lamang mula sa Japan, ay labis na nakaririmarim.
Kapatid ni Lorry ang pinagbibintangang pumatay sa kanya at sa kanyang anak.
Dalawang buhay na kinitil dahil lamang umano sa personal na away at pera.
Sana, hindi na masundan ang ganitong mga pangyayari.
Dahil nakapanliliit na wala nang halaga sa iba ang buhay at nananaig ang pagiging makasarili at katakawan sa pera.
Ang insidente sa Quezon ay nakakagalit na sana ay muling magkaroon ng values formation sa lahat na ang buhay ay mahalaga.
Sana marami pang programa at pahayag ang iba’ t ibang relihiyon upang muling maramdaman ng sangkatauhan at maikintal sa isipan na mahalaga ang buhay dahil mula ito sa ating Maykapal.