PAGPAPAHINA NG WATER PRESSURE SA METRO MANILA, STRATEGY PARA MAPANATILI ANG SUPLAY NG TUBIG

NAGSIMULA  nang magpatupad ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System, (MWSS) ng pagpapahina ng pressure sa water supply sa Metro Manila pag off peak hour mula alas- 10 ng gabi hanggang alas- 4 ng madaling araw bilang estratehiya sa paglaban sa epekto ng El Nino, sa gitna ng muling pagbaba ng tubig ng mahigit .76 meters sa Angat Dam.

Gayom pa man, tiniyak ni National Water Resources Board(NWRB) Policy and Program Division Chief Engr. Susan Abano na sapat ang water allocation na ibinigay nila sa MWSS para tugunan ang pangangailangan ng mga taga -Metro Manila.

Ang Angat dam ang pinagmumulan ng 90 porsiyento ng suplay ng tubig sa Metro Manila lalo na ang potable water at irrigation requirements ng 25,000 ektarya ng lupaing pangsakahan sa Bulacan at Pampanga.

“Ang pag ulan ay inaasahan na darating pa ng June at July.So, ang El Nino ay may epekto pa hanggang end ng May.Kaya ang alokasyon naman po na ibinigay natin sa MWSS ay sapat pa rin para matugunan ang pangangailangan sa Metro Manila. Although meron tayong mga strategies,” sabi ni Abano.Ang pangunahin na ginawa nilang hakbang ay ang pagpapahina ng water pressure sa oras na hindi gaano gumagamit ng tubig ang mga taga Metro Manila.

Ayon sa Hydrometeorology ng PAGASA, bumaba din ng .40 meters ang water elevation ng Angat ng Sabado na nakapagtala ng 197.18 meters mula sa pinakahuli nitong level na 197.58 meters.

Nitong Linggo, muling nakapagtala ng .36 meters na pagbaba ang water level ang Angat dam, kung kaya ito ay 15.18 na mas mababa sa normal na level ng dam na 212 meters.

Bagamat ang water level ng Angat Dam ay patuloy na bumababa dahil sa epekto ng El Nino, ito ay nananatiling nasa operating level na 180 meters.

Ayon kay Patrick Dizon,Department Manager ng MWSS, ang average na inaasahang pagbagsak ng water level sa Angat Dam dulot ng El Nino ay .30 hanggang .40 meters kada araw.

Bagamat inaasahang maaaring bumaba pa sa minimum operating level na 180 meters ang level ng Angat sa Hunyo base sa forecast ng PAGASA, binigyang diin ni Dizon na inaasahan na rin ang pagiging maulan sa buwang iyon.

Ayon kay Dizon ang ibinawas nilang water pressure para sa domestic use ay 3 pounds per square inch (PSI) mula sa dating PSI.

Ayon sa water officials, kailangan kasi bantayan ang suplay ng tubig mula Angat Dam dahil mas mababa na sa average ang water level nito. Mas maigi aniya na hinaan ang water pressure kaysa sa mag-critical level ang Angat Dam. Dahil sa paghina ng water pressure sa magdamag apektado na umano ang ilang negosyo sa Metro Manila tulad ng 24 hours na car wash at carinderia.

Ayon kay Abano, ayaw na rin ng ahensiya na irekomenda ang rotational water interruption na tulad ng nangyari noong 2019 kung saan ay nangailangan pa ng pagrarasyon ng tubig sa mga residente sa Kalakhang Maynila, kung kaya naging pangunahing estratehiya ang pagbabawas ng water pressure.

“Yung matitipid po natin ay mai-extend po natin sa gamit pa po sa mga susunod na araw,” sabi ni Abano. Dagdag pa niya, magpupulong ang ahensiya upang pagdesisyonan ang alokasyon ng tubig mula April 16 hanggang katapusan ng buwan upang matukoy kung ano ang alokasyon na maibibigay sa MWSS depende anya sa ulan na ipoproject ng PAG ASA.

Samantala, may mga mararanasan namang water service interruption sa ibang bahagi ng Brgy. Maybunga sa Pasig (April 8 at 9 dakong alas-10 ng gabi hanggang 4:00 ng umaga. Ma. Luisa Macabuhay-Garcia