ISANG petition for declaratory relief, writ of preliminary injunction at pag-iisyu ng temporary restraining order laban sa pagtatayo ng P9.6-bilyong bagong Pasig City Hall ang inihain sa Pasig City court.
Respondents sa petisyon na inihain sa Pasig City Regional Trial Court noong Agosto 19, 2024 si Mayor Victor “Vico” Ma. Regis Nulba Sotto, at ang mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng Pasig City.
Ang mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng Pasig City ay kinilalang sina Raymund Francis Russia, Corazon Raymundo, Simon Gerard Tantonco, Paul Roman Santiago, Noel Agustin, Roderick Mario Gonzales, Marion Rosalio Martires, Keil Custillas, Maria Luisa “Angela” Del Leon, Mark Gil Delos Santos at Robert Vincent Judge “Dudut” Jaworski.
Sa 39-pahinang petisyon, hiniling ni Alejandro Dela Vega Sanoy sa korte na ideklarang ‘void’ o walang bisa ang Resolution No. 42-11, na nagpahintulot sa City Government of Pasig na pumasok sa isang multi-year contract para sa procurement ng design and build services, paggiba sa umiiral na istruktura sa Pasig City Hall compound, at konstruksiyon ng bagong Pasig City Hall.
Hiniling din ng petitioner na ideklarang ‘null and void’ ang guidelines para sa pag-iisyu ng Multi-Year Contract Authority.
Gayundin ay hiniling niya ang pagpapahinto sa Ordinance No. 13 na ipinasa ng konseho.
Ayon kay Sanoy, ang mga ito ay “contrary to law, issued irregularly and beyond the authority of the respondents, unconstitutional, and a dangerous precedent if left unchecked.”
Sinabi rin ni Sandoy na hindi humiling ang city government sa DPWH ng inspeksiyon para sa demolition.
“There was also no inventory and inspection of unserviceable property. Likewise, there is no Ordinance nor Resolution providing for the creation of a Disposal Committee. Evidently, the request for demolition was not in accordance with law,” pahayag pa niya sa kanyang petisyon.