BATID natin ang laki ng pagbabago sa ating pamumuhay, at lalo natin itong naramdaman dahil sa kinailangan nating iangkop ang ating pamumuhay sa “panibagong normal” nitong nakalipas na dalawang taon.
Habang tayo ay nagtitiis sa epekto ng pandemya, naging mahalaga ang pagkakaroon ng maayos na serbisyo ng internet sa ating mga personal at propesyunal na pamumuhay. Sa panahon ngayon, halos lahat ay digital na, at ang internet ay naging mahalagang parte na ng ating araw-araw na pamumuhay.
Ayon sa isang strategic economics consultancy company na Alpha Beta, ang internet economy ng Pilipinas ay tinatayang nagkakahalaga ng $7.5 bilyon. Inaasahan pa itong tumaas ng mula 30 porsyento hanggang $28 bilyon sa taong 2025 dahil sa patuloy na paglobo ng bilang ng mga digital user sa ating bansa. Ayon din sa pag-aaral, ang mga edad 16 hanggang 64 din ang pinaka-babad sa paggamit ng internet noong kainitan ng mga pinatupad na lockdown.
Sa kasagsagan ng pandemyang dulot ng COVID-19 kung saan ang mga tao ay umasa sa internet para sa kanilang pagiging produktibo, mas lumaki ang kahalagahan na ating natutugunan ang demand para sa mas maayos na serbisyo ng internet.
Sa gitna ng quarantine restriction, kinakailangan ng pamahalaan at ng pribadong sektor na paigtingin ang kanilang serbisyo para sa kanilang mga customer. Noong panahon ng pandemya, inilabas ng Department of Information and Communications Technology (DICT), sa ilalim ng administrasyong Duterte, ang common tower policy na naglalayong palawigin ang ICT services sa ating bansa.
Sa ilalim ng common tower policy, wala na sa mga telecommunications service provider katulad ng Globe at PLDT ang responsibilidad ng pagtatayo ng kanilang mga tower infrastructure. Sa halip, ito ay ipapasa na lamang ito sa mga kompanya mayroong negosyo ng pagtatayo ng mga common tower. Dahil dito, mas mapagtutuunan ng mga telco provider ang pagbibigay ng mas maayos na serbisyo sa kanilang customer.
Noon pa man, ang kahit anumang programang naglalayong paigtingin ang serbisyo sa ICT industry ay isang welcome development at dapat nating suportahan.
Noong taong 2021, nakipag-partner ang Meralco Industrial Engineering Services Corporation (MIESCOR) sa Stonepeak, isang global infrastructure investor na base sa Estados Unidos, upang lumahok sa pagtatayo ng mga tower infrastructure sa Asia Pacific region.
Kamakailan lang, ang kanilang joint venture company na MIESCOR Infrastructure Development Corp. (MIDC) ay pumirma ng tower sale at leaseback agreement kasama ang Globe, isa sa mga malalaking telecommunications player sa bansa.
Sakop ng naturang deal na nagkakahalagang P26.2 bilyon ang pagbili ng MIDC sa 2,180 na tower ng Globe at ng mga passive telco infrastructure nito. Ayon kay MIDC Chairman Ray Espinosa, ang deal na ito ay itinuturing na isa sa mga kritikal na milestone ng MIDC sa pagpasok nito sa telco business.
Sa ilalim din ng nasabing agreement, magiging anchor tenant ng mga biniling common tower ang Globe sa halagang P100,000 kada buwan sa loob ng 15 taon. Nangako rin ang Globe na magtatayo ito ng 750 karagdagang tower sa loob ng apat na taon.
Ayon kay Espinosa, makikilahok sa mas marami pang oportunidad sa telco tower ang MIDC upang makamit ang hangarin nitong maging isa sa pinaka-pinagkakatiwalaang telco tower operator sa Pilipinas, bukod sa hangarin nitong maging isa sa mga mangunguna sa digital infrastructure business.
Ang partnership na ito ay magdudulot din ng malaking benepisyo para sa ating mga karaniwang konsyumer dahil sa hatid nitong mas maayos na internet connectivity at mas matatag na imprastraktura na kakayaning makarecover mula sa mga bagyo o anumang kalamidad na madalas makaapekto sa serbisyo ng internet.
Ang mga kompanyang katulad ng MIDC ay magdudulot din ng malaking kontribusyon sa ating nation-building dahil sa kanilang pakikipagtulungan upang mapaigting ang deployment ng mga common tower sa ating bansa.
Magiging susi rin ito sa hangarin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na universal connectivity at mas malawak na infrastructure development para sa mga Pilipino.
Saludo sa MIESCOR, Stonepeak at Globe para sa partnership na ito.
Magiging malaking tulong ang pagtatayo ng common tower sa mga negosyo at sa ating ekonomiya dahil ang teknolohiya ay napakalaking bahagi sa ating pagbangon mula sa pandemya.