HINDI naman lingid sa kaalaman ng lahat ang mahalagang papel na ginagampanan ng pamahalaan sa pagpapatupad ng mga alituntunin at paglulunsad ng mga programang nagpapanatili ng kapayapaan at kaligtasan ng mga mamamayan.
Sa tulong ng mga miyembro ng pribadong sektor at sa pamamagitan ng mga programang pangkaligtasan na inilulunsad ng mga ito, lalong nasisiguro ang kaligtasan ng mga komunidad.
Para sa Meralco bilang pinakamalaking distribyutor ng koryente sa bansa, ang kaligtasan ng mga empleyado at ng komunidad ay dapat gawing prayoridad. Bukod sa pagpapatupad ng mga safety protocol para makaiwas sa mga aksidente, pinaigting din ng kompanya ang emergency response nito – susi para agad na matugunan at maaksiyunan ang anumang aksidente o emergency.
Batid ng Meralco ang responsibilidad nito na siguruhin ang kaligtasan sa bawat aspeto ng operasyon nito. Kaya naman matindi ang dedikasyon ng kompanya na lalo pang paghusayin ang sistema ng emergency response nito.
Kung inyong maaalala, noong nakaraang taon ay nagkaroon ng pirmahan sa pagitan ng Meralco at ng Bureau of Fire Protection (BFP) para mas paigtingin ang emergency response sa lugar na nasasakupan ng operasyon ng BFP-National Capital Region (NCR).
Sa ilalim ng Memorandum of Agreement, bubuo ang Meralco at BFP ng fire brigade team sa mismong headquarters ng Meralco sa lungsod ng Pasig. Kabilang sa responsibilidad ng fire brigade team ay ang agarang pagresponde sa mga insidente ng sunog hindi lamang sa kalapit na komunidad, kundi sa mga lugar na sakop ng prangkisa ng Meralco.
Kung hindi ninyo naitatanong, kinakailangang makarating agad ang bumbero sa lugar ng naiulat na insidente ng sunog sa loob lamang ng lima hanggang pitong minuto. Kaya bukod sa wang-wang na nakakabit sa trak ng mga ito, tiyak na magiging malaking tulong ang kapabilidad ng fire brigade team upang masiguro ang mabilis na pagresponde.
Sa katunayan, mula nang mabuo ang brigada, ilang beses na rin silang nakatanggap ng tawag upang rumesponde sa ilang mga insidente ng sunog. Isa sa mga nirespondehan nito kamakailan ay ang sunog sa Sikap Compound, Ismar Barangay Kalawaan sa lungsod ng Pasig, kung saan anim na bahay ang nadamay.
Lumahok din ang Meralco fire brigade team sa pamumuno ni Incident Commander Antonio M Abuel, Jr. sa 33rd Safety Organization of the Philippines Inc. (SOPI) National Fire Brigade Competition na ginananap sa ARCA South Open Grounds sa Taguig noong ika-6 ng Marso. Kabilang Ang grupo sa 55 na brigada mula sa iba’t ibang kompanya, ospital, hotel, casino, mall, at lokal na pamahalaan.
Nanaig bilang champion ang Meralco fire brigade team sa Fire Whiz Event, isa sa tatlong malalaking event ng torneyo. Naging isang magandang pagkakataon para sa brigada ng Meralco ang paglahok dito dahil naipamalas nila ang kanilang kahusayan sa pag-apula ng sunog, sa pagsasagawa ng rescue, at kaalaman ukol sa Fire Code ng Pilipinas.
Isa rin sa pangunahing inisyatiba ng Meralco sa pagpapaigting ng emergency response ang pagtatayo ng fire sub-station sa loob ng compound nito na pinasinayaan kamakailan kasabay ng Buwan ng Pag-iwas sa Sunog. Sa pamamagitan ng istasyon, mas mabibigyan ng suporta ang 24/7 na operasyon ng brigada. Magsisilbi rin itong fire emergency response center at linya ng komunikasyon sa pagitan ng Meralco at ng BFP upang mas mabilis mapatay ang serbisyo ng koryente sa mga lugar na nasunugan. Dito rin isasagawa ang pagsasanay ng mga bumbero at ng mga miyembro ng rescue team.
Nakaparada na rin sa bagong fire sub-station ang mga fire truck, mga water tanker, mga rescue tender at mga rescue boat. Siyempre hindi natin nanaising kailanganin ang mga nasabing kagamitan at ang serbisyo ng fire brigade team, ngunit sa oras na magkaroon ng insidente ng sunog, talagang handang handa na silang magsilbi sa komunidad.
Hindi lamang ang fire brigade team ang sinisigurong may sapat na kahandaan pagdating sa emergency response lalo na kung insidente ng sunog ang pinaguusapan. Maging ang mga empleyado sa mga business center ng Meralco ay sumailalim din sa mga fire drill sa pakikipagtulungan sa mga lokal na sangay ng BFP. Sa katunayan, taon-taon itong ginagawa ng BFP at Meralco tuwing buwan ng Marso.
Matagal nang magkaagapay ang Meralco at ang BFP sa pagpapalaganap ng kaligtasan at kaalaman ukol sa pag-iwas sa sunog. Ang Meralco ay laging kaisa ng BFP at ng pamahalaan sa mga adhikain nito at makakaaasa silang magpapatuloy ang kompanya sa pagbibigay ng buong suporta sa mga programa at inisyatiba nitong naglalayong panatilihing ligtas ang mamamayan at komunidad.