ISA sa maipagmamalaking programa ng administrasyong Duterte ay ang programa nitong Build, Build, Build na naglalayong itayo ang mga malawakang proyektong imprastraktura bilang paraan nito sa pag-unlad ng ating ekonomiya.
Nariyan ang pagpapaunlad sa ating mga airport, sea port, pagsasaayos ng mga kalsada, at pagtatayo ng maraming tulay at railroad system.
Nito lamang nakaraang Martes, pormal nang nilagdaan ng Department of Transportation (DOTr) at ng grupo ng mga kompanya mula China ang isa sa mga mahahalagang railroad project sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon—ang unang bahagi ng Philippine National Railway (PNR) Bicol.
Sa halagang P142 bilyon ay inaasahang maitatayo ang nasa 380 kilometro ng railroad system mula sa Calamba sa probinsya ng Laguna hanggang Daraga sa lalawigan ng Albay. Madaraanan ng PNR Bicol ang probinsya ng Batangas at Sorsogon, kung kaya inaasahan din ang mga ito na makikinabang sa nasabing proyekto.
Ngunit bago ganap na masimulan ang proyektong PNR Bicol, kinakailangan na pormal na mabigyan ng pamahalaan ng China ng official development assistance (ODA) ang Pilipinas. Ang ODA ay isa sa mga requirement ng China upang ganap nang masimulan ang pagtatayo sa mga malalaking imprastraktura na sinusuportahan ng mga Chinese companies.
Ngayong pormal nang nagkasundo ang dalawang bansa ay kinakailangan na ng DOTr ng tulong ng Department of Finance (DOF) na siyang mag-aaplay para sa Pilipinas ng ODA mula sa China.
Para sa mga negosyante, ang pormalidad ng pagsososyong ito ay isa nang welcome development na maaaring mag-udyok para sa kanila upang palawakin ang kanilang mga negosyo sa mga probinsya o kalapit-lugar na madaraanan ng PNR Bicol.
Ito ay napakagandang balita para sa mga probinsyang nabanggit sapagkat kung mas marami nang negosyo ang papasok sa kanilang lugar ay mas dadami na rin ang trabahong maghihintay para sa mga Pilipino.
Hindi na ako magtataka kung ang halaga ng mga lupang malapit sa mga estasyon ng PNR Bicol ay tataas, kung hindi man triple, sapagkat ang mga benepisyo ng mga imprastrakturang ito ang nagpapataas ng halaga ng mga lupain. Katulad na lamang ng Bulacan at Pampanga na higit na nakinabang sa pagpapaganda ng Clark International Airport, lalo pa sa planong pagtatayo ng New Manila International Airport o mas kilala bilang Bulacan Airport.
Bagaman ngayong taon ay inaasahan natin ang panibagong administrasyong mamamahala ng ating bansa, sana ay magtuloy-tuloy pa rin sa susunod na administrasyon ng pamahalaan ang mga pagtatayo ng mga malalaking imprastrakturang nasimulan na ng administrasyong Duterte.
Dagdag pa, higit na kailangan ng ating bansa na gumawa pa ng mas maraming paraan upang mabawasan ang traffic congestion sa Pilipinas lalung-lalo na sa Metro Manila.
Ang buhol-buhol na trapiko ay matagal na nating iniinda, sa ating pang araw-araw na pamumuhay, pati na rin sa pagbiyahe sa ating mga patutunguhan. Higit pa, ito rin ang isa sa mga dahilan kung bakit hirap na umunlad ang Pilipinas.
Samantalang ang ilang mga key projects ng administrasyon ngayon ay nahuhuli na sa kanilang nakatakdang iskedyul, dapat ay paigtingin pa ng mga lider ang pangangasiwa at pag-aapruba sa mga ito upang matapos ang mga proyektong ito sa lalong madaling panahon.
Hindi man tayo agad-agad na makikinabang, ang mga proyektong ito lamang ang ating susi sa pagbangon ng ating ekonomiya na higit naapektuhan ng pandemyang dulot ng COVID-19.
At ang pinakamahalaga sa lahat, ang mga proyektong ito ang magbibigay ng mas maayos na pamumuhay para sa ating susunod na henerasyon.