SA isinagawang command conference na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ipinakita ang matinding pangangailangan na mapaigting ang kakayahan ng Philippine National Police (PNP) sa larangan ng komunikasyon, lalo na sa mga sitwasyon ng emergency at krisis.
Ayon kay PBBM, mahalaga ang patuloy na pag-unlad at pagpapabuti ng mga sistema ng komunikasyon sa hanay ng PNP.
Binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang kritikal na papel ng komunikasyon sa bawat aspeto ng tungkulin ng mga pulis, mula sa paghihintay ng mga direktiba hanggang sa pagsasagawa ng mga ulat sa sentral na opisina.
Ipinahayag din niya ang kahalagahan ng mabilis at epektibong pagpapalitan ng impormasyon, lalo na sa mga sitwasyon ng sakuna at kalamidad.
Sa mga ganitong pagkakataon nga naman, kinakailangan ang agarang pagtugon at koordinasyon, at hindi maaaring magtagal ang pagpasa ng impormasyon.
Sa ngayon, napuna ng Pangulong Marcos ang kakulangan sa mga kagamitang pangkomunikasyon ng PNP.
Nagpapakita raw ito ng kawalan ng kakayahan ng organisasyon na makipag-ugnayan o tumugon sa mga kritikal na oras o panahon.
Upang tugunan ang isyung ito, ipinahayag ni Pangulong Marcos ang kanyang kagyat na panawagan kay PNP Chief General Benjamin Acorda Jr. na maghanda ng plano para sa pagpapabuti ng kanilang mga kakayahan sa komunikasyon.
Bahagi ng plano ay ang pagsiguro na ang bawat pagbili ng kagamitang pangkomunikasyon ay sumusunod sa mga pamantayang tinakda, upang maging malinaw ang interoperability nito sa iba’t ibang yugto ng operasyon ng PNP.
Nagpahayag ng kanyang suporta ang Presidente sa pag-aaral at pagsusuri ng mga bagong teknolohiyang pangkomunikasyon na maaaring angkop sa mga lokal na sitwasyon.
Sabi nga, sa pag-unlad ng teknolohiya, mas nagiging abot-kaya at epektibo ang mga kagamitan, tulad ng pagmura ng mga satellite phone at pagpapabuti ng iba pang uri ng komunikasyon.
Masasabi naman na ang pagpapaigting ng kakayahan ng PNP sa komunikasyon ay hindi lamang isang tungkulin kundi isang pangangailangan.
Sa patuloy na pagbabago at pag-unlad ng lipunan at teknolohiya, mahalaga na ang bawat sektor, lalo na ang ating mga alagad ng batas, ay handang makasabay at mag-angat ng kalidad ng kanilang serbisyo sa bayan.