BILANG isang developing country, aminadong marami pa ang kailangang ayusin at tutukan na mga sistema dito sa Pilipinas kagaya na lamang ng mga serbisyong tumutugon sa pangangailangan ng mga mamamayan.
Isa na rito ang serbisyong pangkalusugan dahil kung may mahalagang aral tayong napulot mula sa pandemyang COVID-19, ito’y ang kahalagahan ng pagkakaroon ng maayos, maaasahan, at abot-kayang halaga ng serbisyong pangkalusugan para sa mga mamamayan.
Hindi lang sa mga pangunahing lungsod mahalaga ang masiguro na mayroong maayos at mahusay na serbisyong pangkalusugan. Upang makamit ang pangkalahatang kaunlaran, dapat maging ang mga liblib na lugar sa iba’t ibang bahagi ng kapuluuan ay nasisigurong mayroong access sa mga pangunahing serbisyo.
Ang responsibilidad ukol dito ay hindi lamang dapat sa pamahalaan nakaatang. Maaari itong pagtulungan ng mga ahensiya ng pamahalaan at ng mga miyembro ng pribadong sektor upang masiguro na ang bunga ng mga inisyatiba ay lalong magiging kapaki-pakinabang para sa mga malalayong komunidad.
Hindi naman lingid sa kaalaman ng nakararami kung gaano kahalaga ang papel na ginagampanan ng pagkakaroon ng sapat at maaasahang serbisyo ng koryente sa pag-angat ng antas ng kabuhayan sa isang komunidad.
Bilang kaisa ng pamahalaan sa adhikain nitong makamit ang pangkalahatang kaunlaran para sa bansa, batid ng Meralco na mayroong magagawa ang kompanya upang makatulong sa pagpapalakas ng industriya ng healthcare.
Kaya naman sa pangunguna ng One Meralco Foundation o OMF, ang social development arm ng kompanya, pilit na inaabot ng Meralco ang mga liblib na lugar sa bansa na wala pang serbisyo ng koryente upang makapaghatid ng liwanag at pag-asa sa mga komunidad dito.
Sa ilalim ng community electrification program ng OMF, nabibigyan ng serbisyo ng koryente ang mga kabahayan at mga paaralan sa mga malalayong komunidad. Upang lalo pang mas makatulong sa pagpapaunlad at pangangalaga sa kapakanan ng mga malalayong komunidad, kamakailan ay pinalawig ng OMF ang programa at isinama ang pagpapailaw sa mga health center sa mga barangay.
Isa sa mga natulungan ng programa kamakailan ay ang komunidad sa kabundukan ng Rizal. Kasalukuyan nang nakakakuha ng mas maayos na serbisyong pangkalusugan ang mga residente rito matapos mapailawan ang health center sa munisipalidad ng Tanay.
Napailawan ang naturang health center sa pamamagitan ng 3-kilowatt peak (kWp) na solar photovoltaic (PV) system na ikinabit ng OMF sa health center ng Barangay Laiban. Nasa higit 3,000 na residente ng komunidad, kabilang ang mga miyembro ng Dumagat Tribe, ang nakinabang dito.
Dahil sa pagkakaroon ng serbisyo ng koryente sa naturang health center, nakakagamit na ng mga medical equipment na kinakailangan upang makapaghatid ng mas maayos na serbisyong pangkalusugan sa mga residente. Nakakagamit na ng mga nebulizer para sa mga pasyenteng mayroong problema sa paghinga at ng mga fetal doppler na mahalaga para sa pre-natal care.
Bilang resulta rin ng pagkakaroon ng koryente sa health center, maaliwalas na sa loob nito kaya mas maayos na nakakapagtrabaho ang mga healthcare professional at mas maginhawa rin para sa mga pasyente. May sapat na liwanag na kasi sa loob nito at mas maayos na rin ang bentilasyon kumpara noong wala pang koryente.
Katulong ng OMF sa inisyatibang ito ang mga empleyado ng Meralco, partikular na ang departamento nitong Customer Retail Services. Ang solar PV na ikinabit ng Spectrum, ang solar power unit ng kompanya, ay mula rin sa mga donasyon ng naturang opisina.
Bukod sa pagpapailaw sa health center, minabuti na rin ng Meralco na magsagawa ng medical mission para sa mga residente ng Barangay Laiban. Ito’y naganap sa pakikipagtulungan ng mga doktor mula sa Department of Health, Tanay Municipal Health Office, and Marikina Valley Medical Center na boluntaryong nakiisa sa programa.
Naisakatuparan ang naturang medical mission sa pamamagitan ng tulong mula sa Meralco Employees Fund for Charity Inc., Pascual Laboratories Inc., Lloyd Laboratories Inc., at Megasoft Hygienic Products, Inc. Nagpahatid din ng mga gamot at mga medical equipment gaya ng nebulizers, fetal dopplers, at blood pressure monitors ang mga empleyado ng Meralco. Namahagi rin ang OMF ng mga school kit para sa 100 na mag-aaral ng Laiban Integrated School sa komunidad.
Ang mga inisyatibang ito ay patunay ng dedikasyon ng kompanya sa pagtulong sa mga komunidad sa loob at labas ng prangkisa nito. Makaaasa rin ang pamahalaan at ang mga mamamayan na patuloy na makikipagtulungan at makikipagkaisa ang Meralco sa mga adhikain nitong sumisigurong makararating ang mga pangunahing serbisyo sa iba’t ibang lugar sa bansa.