PAGPAPAIMBESTIGA NI GAMBOA SA 2018 NOVA’S FURLOUGH SUPORTADO

Camilo Pancratius Cascolan

CAMP CRAME – SUPORTADO ni Lt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan, PNP Deputy Chief for Operations ang planong pagpapaimbesti-ga ni PNP Officer-In-Charge, Lt. Gen. Archie Gamboa hinggil sa ‘di awtorisadong paglabas ni high profile inmate at da­ting Ozamis Vice Mayor Nova Parojinog sa kanyang selda sa PNP Custodial Center noong Nobyembre 12, 2018 para dalawin ang kapatid na si Reynaldo Jr. na nakakulong naman sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.

Ayon kay Cascolan, ang pagpapaimbestiga sa insidente ay para maliwanagan ang lahat at mapanagot kung sino man ang responsable sa unauthorized leave ni Parojinog lalo na’t mistulang naingunguso ang tanggapan ng The Chief of Directorial Staff (TCDS) kung saan siya ang director noon.

Paglilinaw ni Cascolan, ang function ng TCDS ay magbigay lamang ng pahintulot sa mga dadalaw sa PNP Custodial Center at wala silang kinalaman sa mga mabibigyan ng furlough o lalabas ng kulungan.

“Walang kinalaman ang TCDS sa pagbibigay ng furlough at tanging pagpapahintulot lamang sa mga visitor ang trabaho namin,” pagdiriin ni Cascolan.

Kamakailan ay inatasan ng Quezon City Regional Trial Court Branch 228 ang warden ng nasabing pasilidad na ipaliwanag kung bakit nakalabas ng kulungan ang babaeng Parojinog na nakulong noon pang 2017 sa kaso ng droga. EUNICE C.

Comments are closed.