PAGPAPAKAWALA NG TREATED WASTEWATER NG JAPAN TINUTULAN

TINUTULAN ng grupong Pamalakaya ang pagpapakawala ng Japan ng treated wastewater ng Fukushima Power Plant sa Pacific Ocean na makasisira sa mga lamang dagat.

“Tulad ng maraming bansa sa Timog-Silangang Asya, nagpapahayag kami ng malakas na pagtutol sa planong pagpapakawala ng Japan ng mahigit 1.3 milyon toneladang treated wastewater ng Fukushima Daiichi Nuclear Power Plant sa Karagatang Pasipiko.

Ito ay sa kadahilanang malaki ang pinsalang pwedeng idulot nito sa pangisdaan, at iba pang yamang-dagat at mineral na taglay ng pinakamalawak at pinakamalalim na karagatan sa buong mundo partikular sa Pilipinas, kung saan sinasaklaw ng nasabing karagatan ang silangang bahagi, tiyak na apektado ang ating pangisdaan lalo na sa panahon ng Amihan (Northeast Monsoon) na tumatagal ng halos anim na buwan na nagsisimula sa huling kwarto ng taon.”

Isa aniya sa pinaka-bulnerableng bahagi ng karagatan na maaaring mahagip ng nuclear treated wastewater ay ang Philippine Rise (Benham Rise). Ang Philippine Rise ay 13-milyon ektaryang anyong-dagat na matatagpuan sa silangang bahagi ng Luzon, at nagtataglay ng iba’t-ibang klase ng yamang-dagat at deposito ng gas at mineral.

Kung matutuloy ang pagpapakawala ng nuclear treated wastewater at tuluyang makontamina ang mayamang karagatan ng Pilipinas, magbubunga ito ng malawakang sakuna sa lokal na industriya ng pangisda. Tiyak na milyon-milyong mangingisda ang mapeperwisyo ang kabuhayan bunga ng nakalalasong kemikal na pakakawalan sa malawak na karagatan.

“Kaya nakikiisa kami sa mga mangingisda ng iba’t-ibang mga bansa laban sa nagbabadyang malawakang delubyong idudulot ng Fukushima Daiichi Nuclear Power Plant.”