PAGPAPAKAWALA NG TUBIG SA DAM PINATUTUTUKAN

PINATUTUTUKAN ni Pangulong Bongbong Marcos sa PAGASA at maging ng National Irrigation Administration (NIA) ang pagpapakawala ng tubig sa ilang dam kasunod ng pananalasa ng Super Typhoon Karding sa Luzon.

Sa ginanap na damage assessment meeting kahapon sa National Disaster Risk Reduction Management Council ( NDRRMC) sa Camp Aguinaldo, pinatitiyak ni Pangulong Marcos ang kalagayan ng mga residenteng naninirahan malapit sa mga dam at hindi sila maapektuhan sa pagpapakalawa ng tubig .

Nabatid na bukod sa Ipo Dam ay nagpakawala rin tubig ang Bustos Dam sa lalawigan ng Bulacan.

Magugunitang sa Virtual Dam Monitoring and Management Meeting kasama ang NIA Upper Pampanga River Integrated Irrigation Systems (UPRIIS) ay inatasan ni NIA Administrator Benny Antiporda si UPRIIS Department Manager Rosalinda B. Bote na panatilihin bukas ang mga linya ng komuniskasyon sa panahon ng pananasala ng bagyo.

74K KATAO INILIKAS
Sa ulat ni Defense Secretary Jose Faustino Jr., kay PBBM, mahigit 74,000 katao sa Luzon ang lumikas para makaiwas sa banta ni Karding alinsunod sa isinumite ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kahapon.

Sa report ni Interior Secretary Benjamin Abalos Jr. nasa 19,368 pamilya ang kinailangan ilikas sa walong rehiyon.

Iniulat pa ni Faustino na mayroong 13 domestic flights ang kanselado at may ilan ding international flights.

May 43 mga pantalan naman ang sinuspinde ang operasyon kaya naman umabot sa 2,882 ang naitalang stranded passengers.

Sa ngayon ay nakatutok ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pagbibigay ng pagkain sa mga nasa evacuation center at mga stranded na pasahero.

May 83 million na halaga naman ng iba’t ibang gamot, medical supplies at iba pang pangangailan ang inihanda ng Department of Health (DOH), maliban pa sa available na 1,356 medical responders.

Pinangungunahan naman ngayon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang road clearing habang ang Philippine National Police (PNP) ay nakatutok sa pagbabantay laban sa mga magsasagawa ng looting at binabantayan rin ang evacuation centers para sa proteksyon ng mga bata at kababaihan. VERLIN RUIZ