PINAMAMADALI ni Senadora Grace Poe ang paglalabas ng calamity fund para sa Cagayan Valley Region gayundin sa Cordillera at Ilocos Region na pawang pinuntirya ng pananalasa ng bagyong Ompong.
Ayon kay Poe, kailangang matulungan na makabangon agad ang nabanggit na mga rehiyon dahil mahigit 835,000 ektarya sa lupain nito ay nagsusuplay ng mais at gulay sa bansa at pinagkukunan ng kabuhayan ng ating mga magsasaka.
Ani Poe, ang calamity fund ay magmumula sa P19.6 bilyong National Disaster Risk Reduction and Management Fund na nakapaloob sa 2018 national budget.
Dagdag pa ng Senadora, dapat ding gamitin ng pamahalaan ang P7.6 bilyon na Disaster Quick Response Fund na hinati-hati sa sampung ahensya.
Sinabi ni Poe, mayroong P1 bilyon ang Department of Agriculture (DA) mula sa QRF, habang P500 milyon naman ang nasa National Irrigation Authority (NIA).
Mayroon ding P1 bilyon mula sa QRF ang Department of Public Works and Highways (DPWH) para gamitin sa mga nasirang tulay at kalsada.
Pinaglaanan din ng QRF ng P2 bilyon ang Department of Education (DepEd) para sa mga paaralang napinsala ng kalamidad.
Binanggit ni Poe na kabilang din sa recipients ng QRF ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Office of the Civil Defense (OCD) at Armed Forces of the Philippines (AFP), gayundin ang Department of Health (DOH) at National Electrification Administration (NEA). VICKY CERVALES