PARA iwas-problema sa banking system sa bansa, isinulong natin sa Senado ang isang panukalang batas na nag-aamyenda sa umiiral na Philippine Deposit Insurance Corp (PDIC) charter na tiyak na magbibigay ng matibay na proteksiyon sa ating mga bank deposit at tiyak na magpapalakas sa sistema.
Sa ngayon, matapos pumasa sa Mataas na Kapulungan ang panukala, kung saan tayo ang pangunahing awtor at tumayong isponsor sa Senado, naghihintay na lamang ito ng lagda ng Pangulo at tuluyan nang magiging batas.
Sa sandaling maisabatas, mas magiging epektibo ang koordinasyon sa pagitan ng PDIC na siyang nakatoka sa insurance ng bank deposits at ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na siya namang nagpapatupad ng ating monetary policy at nangangasiwa sa lahat ng bangko sa bansa.
Sa ilalim ng reconciled version ng PDIC amendments, ang BSP Governor ay siya na ring tatayong chairman ng ng PDIC board, habang ang kalihim ng Department of Finance na dati rati’y ex-officio chairperson ng PDIC Board ay magsisilbing vice-chairperson.
Pinag-aralan po natin ito sa ating komite, ang Senate Committee on Finance, para masigurong may koordinasyon o pagkakaunawaan ang dalawang ahensiya at matiyak din na walang saklawan ng trabaho. Kumbaga, ang iiwasan dito ay ang pagdoble ng trabaho.
Isinama rin natin sa mga inamyendahang bahagi ng batas ang mga Islamic bank na sakop ng PDIC, base sa isinasaad ng RA 11439 o ang batas na nakatuon sa regulation at organization ng Islamic banks.
Maaari rin namang magtatag ng hiwalay na insurance funds and arrangements ang PDIC bilang konsiderasyon sa mga ipinatutupad na batas ng Islamic banking.
Sa kasalukuyan, ipagpapatuloy ng PDIC ang pagpapatupad ng P500,000 insurance sa monetary deposits. Pero sa sandaling pagtibayin ng Pangulo ang ating panukala, maaari nang itaas ng PDIC board ang maximum deposit insurance coverage base sa halagang naka-index sa inflatioin o bilang konsiderasyon sa iba pang economic indicators.
Binibigyang-diin pa rin natin dito ang pag-aatas sa PDIC board na repasuhin ang maximum deposit insurance kada tatlong taon. Ang bank records ay maaari lamang busisiin kung may bahid ng anomalya o hindi ligtas ang bank deposits.
Sa ilalim pa rin ng ating panukala, pinapayagan ang PDIC na i-convert sa cash ang assets ng isang nagsarang bangko once a bank is under receivership. Pinapayagan din dito ang PDIC na ibenta ang mga asset na ito sa isang Financial Institutions Strategic Transfer Corporation na ibabase pa rin sa umiiral na banking laws.
Pangunahing layunin po kasi natin sa panukalang ito na mapalakas at mas maging metatag ang ating banking system.
Tandaan po natin, sa mga darating na panahon, ang prayoridad ng gobyerno ay maibangon ang ekonomiya ng Pilipinas mula sa hagupit ng pandemya. At dahil dito, malaki ang gagampanang papel ng ating banking sector.