PAGPAPALAKAS NG DAIRY INDUSTRY GAMIT ANG AI ISINUSULONG

Isinusulong ng Department of Agriculture-Philippine Carabao Center (DA-PCC) ang mas agresibong  paggamit ng teknolohiya ng  artificial insemination (AI) upang mas mapa­rami pa ng mga carabao farmers ang populasyon ng  kanilang  mga alaga at mapalakas ang produksyon ng  dairy industry ng bansa bukod sa iba pang benepisyo mula rito.

Ito ang binigyang diin ng mga opisyal at eksperto mula sa  DA-Philippine Carabao Center (DA-PCC) sa naganap na second phase ng #OhmAIKalabaw! (OMK!) Campaign nito sa lalawigan ng  Capiz na isinagawa noong Oktubre 29-30.

Ayon kay Dr. Edwin Atabay, DA-PCC’s OIC deputy executive director and national AI and Bull Entrustment program coordinator, mahalaga  na maipaliwanag  sa  carabao farmers at technicians ang mga benepisyo ng AI techno­logy hindi lamang sa pagpapalakas ng produksyon ng karne nito, pagtulong sa mga magsasaka sa kanilang pagtatanim sa sakahan, kung hindi maging sa pagpapalago ng industriya ng gatas sa bansa.

Dagdag ni Atabay, ang kampanya ay nasimulan na sa mga komunidad ng barangays Binuntucan, Pontevedra, at Mainit, Cuartero sa lalawigan ng Capiz.

“We aim to increase farmers’ awareness on AI both as a reproductive technology tool for upgrading the breed of carabaos and a reliable income source for farmers and AI technicians,” ang sabi ng mga opisyal ng DA-PCC.

Katuwang ng DA-PCC ang Know­ledge Management Division (KMD)  DA-PCC at West Visayas State University  sa  kampanyang ito sa mga magsasaka.

“Layon ng OMK!, isang kampanyang isinasagawa ng DA-Philippine Carabao Center, na palaganapin ang serbisyong AI sa buong bansa at pataasin ang populasyon ng mga kalabaw na may mataas na lahi,” sabi ni  DA-PCC OIC KMD Chief and OMK! Campaign Program Director Rowena Galang.

“Sa paraang ito, tataas ang produksyon ng gatas sa bansa at lalago ang mga industriyang salig sa iba’t iba pang produkto na galing sa kalabaw,” dagdag ni Galang.

“Ang OMK! campaign ay nagsisimbolo ng commitment ng DA-PCC para i-professionalize ang AI bilang source of income ng ating mga magkakalabaw sa pamamagitan ng pagpapalawig at pagpapaunlad ng lahi ng mga ito” sabi naman ni DA-PCC Executive Director Dr. Liza Battad.

“Sa kampanya ng DA-PCC, malalaman ng mga tao rito sa Cuartero kung ano ang mga kahalagahan ng artificial insemination. Mawawala rin ang takot nila sa paggamit ng teknolohiya, tulad ng AI, sa pagpaparami ng kalabaw,“ sabi naman ni Cuartero Mayor Tito Mayo ng Capiz.

Ang unang phase ng “OMK! Campaign” ay isinagawa ng DA -PCC sa President Quirino, Sultan Kudarat noong Oktubre 3.Nakatakda na rin isunod ang paglulunsad nito sa lalawigan ng Isabela bago matapos ang 2024.

Ma. Luisa Macabuhay-Garcia