PAGPAPALAKAS SA ATING SPECIALTY CARE CENTERS

MULA nang maupo tayong chairman ng Senate Committee on Finance noong 2019, talagang naging masigasig na tayo sa pagsusulong ng iba’’t ibang programa na alam naman nating magiging kapaki-pakinabang sa lahat ng Pilipino. At kabilang sa mga itinutulak natin ay repormang pangkalusugan.

Naging isa sa talagang pinuntirya natin ang pagkakaroon natin ng quality health care na makatutulong nang malaki sa ating mga kababayang salat sa buhay. Isa ito sa talagang dapat na pinagsisikapan ng gobyerno.

Taon-taon, tuwing tayo ay nahaharap sa pagdinig ng national budget, laging nariyan ang pagsusumamo ng ating mga kababayang mas mapalakas ang mga programang pangkalusugan — nariyan ang mga kahilingang magkaroon ng mas modernong pasilidad sa mga pagamutan at ang pagkakaroon ng specialized care centers.

Mayroon po tayong mga specialty hospitals tulad ng Lung Center, Heart Center, at ang National Kidney and Transplant Institute (NKTI). Ito po ‘yung mga ospital na takbuhan natin para sa mga karamdamang naglalagay sa atin sa bingit ng kapahamakan dahil sa malulubha nating karamdaman.

Bilang isa sa mga nagsulong ng Universal Health Care Law, siniguro nating makapagkakaloob tayo ng abot-kaya  kung ‘di man libreng medical care para sa lahat. Kaya nga tuwing diringgin sa Senado ang pambansang budget, tinitiyak nating may kaukulang pondo para sa usaping pangkalusugan.

Sa  ilalim ng 2024 national budget, mas pinaigting natin ang suporta sa Lung Center of the Philippines sa pamamagitan ng dagdag pondo para naman matulungan natin sila sa layunin nilang maging kauna-unahang ospital sa bansa na makakapag-perform ng human lung transplant.

Mababatid natin na kilala ang Lung Center bilang natatanging ospital na nakagamot na sa napakaraming pasyente na may lung cancer. Magaling ang kanilang diagnosis, at marami nang napagtagumpayang operasyon, chemotherapy at radiotherapy, kabilang na rin ang endobronchial brachytherapy.

Sa ginawa nating pag-augment sa pondo ng Lung Center, nais lang nating iparating na tayo ay nakikiisa sa kanilang mga layuning maging mas episyente sa kanilang commitment sa publiko, tulad ng early disease detection. Ang maagap pong deteksyon ng sakit ay isang paraan upang mailigtas ang buhay. Sa early detection po kasi, maaaring sumailalim agad sa kinakailangang operasyon ang pasyente na susundan na ng radiotherapy o kaya naman ay chemotherapy.

Tungkol naman sa isa pang nakamamatay na karamdaman – ang chronic kidney disease: ang mga pasyente pong dumaranas ng karamdamang ito ay panghabambuhay nang sumasailalim sa hemodialysis treatments. Maswerte na lamang kung makakakuha sila ng kidney transplant. At dahil alam nating napakarami ring pasyente na may suliranin sa kidney ang nagtutungo sa NKTI, siniguro rin natin na may dagdag na pondo ang institusyon sa ilalim ng 2024 budget.

At para mas marami pang pasyente ang matulungan ng NKTI, tinaasan din natin ang alokasyon para sa mga medical assistance para sa mga pinakamahihirap nating kababayan. Pinondohan din natin ang pagsasaayos ng mga lumang silid at clinics sa NKTI. Pinondohan din natin, base na rin sa kanilang request na magkaroon sila ng peritoneal dialysis warehouse para sa kanilang simulation and skills laboratory training center. Magsisilbi itong training laboratory para sa pagsasagawa ng peritoneal dialysis.

Para naman sa Heart Center o PHC na kinikilala bilang pangunahing cardiovascular care center sa bansa, tinulungan natin sila sa kanilang pag-upgrade at magkaroon ng digitall cardiac MRI na hindi lamang makapag-a-accommodate ng mas maraming paysente kundi  mas magiging accurate pa ang kanilang diagnosis sa mga ito. At dahil sa mahusay na diagnosis, malalaman kung kinakailangan ng surgical procedure.

Nagkaloob din tayo ng pondo para sa pagbili nila ng dalawang bagong kagamitan tulad ng heart lung machines at isang cardiac telemetry monitoring system.

Hindi rito natatapos ang pangangailangan ng ating health facilities. Sa pagdaan ng panahon, kinakailangang makasabay rin  sila sa mga makabagong sistemang medikal kaya nararapat lamang na gawin din ng gobyerno ang lahat ng magagawa nitong tulong sa ating mga pasilidad pangkalusugan. Ito ay isang obligasyon ng gobyerno na dapat natututukan. Ito ay para rin sa kapakanan ng mamamayan  lalo na ang mga kababayan nating walang-wala sa buhay na nangangailangan ng tulong sa iba’t ibang aspeto ng buhay tulad ng kalusugan.