SA KATATAPOS na International Trade Forum sa Taguig City, inilunsad ng administrasyong Marcos ang kanilang Philippine Export Development Plan 2023 to 2028 (PEDP).
Ito ay isang komprehensibong paraan kung paanong mas mapalalakas o mas mapalalago ang ating exports upang makapatas sa exports ng mga karatig-bansa ng Pilipinas.
Nagpahayag din si Trade Secretary Alfredo Pascual na siya ring chairman ng Export Development Council na lubhang kailangan natin sa kasalukuyan ang mas mabangis na export potential. Kung mayroon tayo nito, posible ang paglago ng ating kalakalan at mas may lakas ang mga producer na mapataas ang kanilang produksiyon at magawang mas epektibo ang kanilang serbisyo. Ito rin ang magiging daan para lumago ang mga industriyang Pilipino na maaari nang isabak sa pandaigdigang kompetisyon, at malaki rin ang posibilidad na mas marami pang investment ang papasok sa bansa.
Sa pahayag ni Pangulong Marcos sa launching ng PEDP, sinabi niyang kung maisasakatuparan natin nang maayos ang mga istratehiyang ito, masisiguro ang paglusog ng ating export sector at ang lalo pang paglakas ng ating ekonomiya.
Sa ating pakikinig sa pahayag ng Pangulo, napagtanto natin na kahit pa sabihin nating bumabangon na nga ang ating ekonomiya sa kasalukuyan, malaki pa rin ang dapat na punan. Malaki pa rin ang agwat sa atin ng mga kapit-bansa natin sa ASEAN dahil kulang pa rin tayo sa export portfolio diversity.
Malaki ang tiwala natin sa PEDP dahil konektado ito sa ating Tatak Pinoy or Proudly Filipino advocacy. Ito pong adbokasiya nating ito, matagal na nating ipinaglalaban. Apat na taon na.
Ang ating Tatak Pinoy advocacy ay nabuo natin dahil sa nakita nating inspirasyon sa Atlas of Economic Complexity nina Dr. Ricardo Hausmann ng Harvard University at Dr. Cesar Hidalgo ng Massachusetts Institute of Technology.
Sila ang nagsabi na nakabatay sa lakas ng eksportasyon ng isang bansa ang galaw at kalusugan ng kanyang ekonomiya.
At sa nakalipas na tatlong taon, ilang masusing pananaliksik ang ginawa ng ating tanggapan para makita ang productive capability ng ating bansa. Sinaliksik din natin ang kung ano-anong produkto ang ating ini-export, gaano kalaki ang potensyal ng ating mga industriya at kung may kakayahan ba itong makipag-kumpetensya sa iba’t ibang businesses at service providers, malaki man ang mga ‘yan o maliit lang.
At kabilang nga sa mga nakita natin, nakapagpo-produce ang Pilipinas ng iba’t ibang materyal na nagagamit natin sa paglikha ng complex products tulad ng mga sasakyan, eroplano at itong mga robotics.
Pinatunayan lamang ng mga ito ang sinabi ng Pangulo na kayang punan ng kahit isang sektor lang ang ating export basket. Malaki ang potensyal natin basta lang mabigyan ng kaukulang suporta. Naniniwala tayo na kung may solidong suporta, malaki rin ang posibilidad na mas marami tayong ma-produce at mapupuno natin ang ating basket of goods. At mula riyan, aakyat tayo sa eksportasyon ng mga complex at high-value products. At kung tayo ay maging ganap na exporter ng complex products, diyan din magsisimula ang totoong paglakas ng ating ekonomiya. At pag malakas ang ekonomiya, ang ibig sabihin, marami tayong magagandang trabaho at disente ang swelduhan natin.
Kaya ang inyong lingkod ay talaga namang natutuwa na sa mga ganitong usapin ay nasa panig natin ang Pangulo at ang kanyang economic team – ang magkaroon ng diversified exports. Nangangahulugan, magiging isa na ito sa mga prayoridad ng gobyerno and in return, ibigay rin natin ang ating buong suporta. Para naman ito sa atin at sa ating bansa.
Sa ngayon, ang una nating gagawin ay suriin itong PEDP para malaman natin kung ano ang mga tulong na maaaring magawa ng Senado para mapagtagumpayan ng administrasyon ang layunin nitong mapalakas ang ating exports at matudla ang target natin ngayon taon na $127 bilyon pataas sa $240 bilyon hanggang 2028. Ito, kapag nagtagumpay tayo rito, milyun-milyong high-quality jobs ang malilikha natin dito.
Ang dami nating mga talent dito sa bansa tulad ng ating mga engineer, mga scientist at mga talent mula sa creative industry at iba pang professionals, na makukuntento na rito sa atin, at ‘di na kailangang mag-abroad pa for ika nga, greener pasture.
Ganitong-ganito rin ang nilalaman ng isinusulong nating Tatak Pinoy – ‘yung mapaunlad natin ang sariling atin – maiangat ang mga negosyanteng Pinoy at mapatatag ang iba’t ibang industriyang Pilipino. Sa pamamagitan nito, mas lalakas ang ating produksiyon, at mas malaki ang tsansa nating maging competitive sa pandaigdigang kalakalan.