TANONG ng isang ka-Bangis kay Ginoong Bangis Magtangggol o mas kilala sa tawag na “Sir M” ng kanyang followers sa social media, papaano raw mapalalaki na malusog ang ating mga palahi mula pagkasisiw.
Tamang-tama at napapanahon na rin ang tanong na ito dahil tag-init na naman at mahirap bumuhay ng sisiw lalo na kung wala ka namang sapat na pasilidad at maayos na paglalagyan ng iyong mga sisiw.
Ayon po kay Bangis, base na rin sa karanasan niya bilang backyard breeder (mas malaki nga lang siya na backyard), maraming factors ‘yan pero ang karamihan ay apektado sa kung ano ang palahi o bloodline ng ginamit, brood facilities or kulungan ng mga sisiw, kaalaman sa sakit ng mga manok, pagbabakuna at pag-aalaga o tagapag-alaga.
Aniya, nagsisimula ‘yan sa breeding materials natin. Mahalaga umano na naka-priming at nakakondisyon ang ating mga materyales bago sila isalang para sigurado na makapagprodyus ng mga itlog na may semilya.
“Dapat po ninyong ihanda at ikondisyon din ang mga materyales natin bago i-breed lalo ang mga broodcocks dahil kalaunan ay nauubos po ang lakas ng katawan nila para makapaglahi. Bigyan ang tandang at inahin ng tamang suplemento para makagawa sila ng semilya sa tandang at itlog sa inahin,” ani Bangis.
“Bigyan sila ng mga suplemento tulad ng Vitamins A, D and E with Calcium and Zinc. Mayroon din kaming produkto para riyan, ‘yung Quadro+ namin,” dagdag pa niya.
Aniya, base sa karanasan niya, kapag mas malakas ang sisiw pagkapisa, mas malakas ang katawan nila laban sa sakit. Magana rin silang kumain kaya mabilis din sila lumaki. Tamang nutrisyon ay sa semilya pa lang nag-uumpisa.
Nakaaapekto rin umano ang bloodline o lahi ng manok. Aniya, mas mahirap buhayin ang isang inbreed kasi mahina katawan nila kaya hangang maaari ay iwasan natin na mag-inbreeding sa panahon na battle fowls ang ginagawa natin.
“Normally sa off season kayo dapat magpapuro para tutukan din ang alaga. Kapag sakitin ang isa puwedeng mahawa lahat. Kung nasa lahi ang sakitin cross out n’yo muna o pasukan ng matibay na lahi sa sakit bago ninyo ituloy ang breeding,” ang sabi ni Bangis.
Dapat rdin daw tayo mag-invest sa mga pasilidad para sa mga manok natin kahit backyard tayo.
“Unang-una ay brooder or kulungan ng mga bagong pisa. Kung pisa sa inahin mas maigi pero pang kauntian lang po ‘yan. Kung marami kayong pisa kailangan ninyo ng brooder o kulong na box para sa sisiw. Typically, ang bukas lang diyan ay ‘yung taas na parte all sides pati flooring ay sarado. Ito po ay proteksiyon nila sa hangin at lamig ang pinakamatinding kalaban ng sisiw. Lagyan sila ng ilaw na mainit hanggang 2 months old kung kaya ninyo. Kailangan ng sisiw ng init lalo na bagong pisa,” paglalahad niya.
“Sa farm kung napansin ninyo ang gamit ko ay mga lumang aquariums. ‘Yung iba roon ay may basag na may lamat na binili ko sa nagsara na petshop at mga hobbyist na ayaw na mag-isda sa murang halaga lang. Maganda po ang aquariums as brooder kasi kita mo galaw ng mga sisiw sa loob ‘di kagaya ng brooder na ‘yari sa plywood or kahon,” dagdag niya.
Mahalaga rin na magbakuna po tayo para maiwasan ang mga sakit na dala ng virus.
“Ito po ay depensa natin sa mga peste at mapaminsalang viruses sa manok natin. Kung ang bacteria ang gamot ay antobiotics, wala po normally gamot sa viruses kundi prevention o bakuna,” ani Bangis.
“Kahit kaunti o marami ang manok mo, mas maigi “wag makipagsapalaran. Magbakuna po kayo taon-taon para sure na ligtas sila, normally during breeding season kami nagbabakuna between September and February kasabay sa sisiw pati mga matatandang manok,” dagdag pa niya.
At ang pinakaimportante sa lahat, kailangan po ang tutukan ang pag-aalaga na may malasakit sa manok.
“Kayo lang po minsan makagagawa niyan kasi iba tayong may-ari ‘pag nag/alaga. Sana all kaso hindi naman tayo lahat may time at puro manok na lang. Kaya kung kukuha tayo ng tagapag-alaga ay dapat mahilig talaga sa manok ang makuha ninyo na tao na mamahalin ang manok ninyo na parang sa kanila. Kasi isang sablay lang isang araw o isang oras na mali ang sistema mo, apektado na ang mga manok. Kaya tutok na alaga ang kailangan,” ani Bangis.
Pero papaano ba tayo makakuha ng tao na marunong at may passion sa pagmamanok at higit sa lahat ay may malasakit at mapagkakatiwalaan?
“Suwertihan din po. Pero kung handa kayo sa pagmamanok dapat handa rin kayong magbayad sa tao na gagawa ng pag-aalaga na gusto ninyo. Mas malaki ang suweldo at benepisyo na iyong ibibigay, mas mataas ng expectation na magagawa nila ang trabaho nang ayos,” ang sabi ni Bangis.
“Kahit hindi maalam sa manok basta trainable at masipag ay okay na rin sa manukan. Pero kung wala kang pambayad sa tao, mag-train ka na lang ng kamag-anak na puwedeng makatulong sa iyo. Para-paraan lang po ‘yan makakaraos din lalo kung nag-uumpisa pa lang kayo.
Tulong-tulong ang pamilya, kumbaga. Sana nga lahat nakakaintindi sa atin pero kung ipakikits mo sa pamilya na una sila kaysamanok, tutulong sila sa atin. Experience ko po ‘yan, na-share ko lang,” dagdag pa niya.
Comments are closed.