ILANG araw na lamang ay sasapit na ang Kapaskuhan at bagama’t nananatili ang pandemyang COVID-19 sa bansa, tiyak na hindi hahayaan ng mga Filipino na maging hadlang ito sa pagdiriwang ng Pasko ngayong taong 2020.
Upang lalo pang maging masaya ang Pasko ng mga konsyumer, isang mabuting balita na naman ang hatid ng Meralco sa mga ito ngayong panahon ng Kapaskuhan. Ito ay tiyak na makapagbibigay ng malaking tulong lalo na sa mga konsyumer na lubos na naapektuhan ng pandemya. Sa ikatlong pagkakataon ay muling pinalawig ng Meralco ang ipinatutupad nitong polisiya ukol sa ‘No Disconnection’.
Kung inyong maaalala, bilang tulong sa mga konsyumer nitong pandemya ay pansamantalang ipinahinto ng Meralco ang pagpuputol ng serbisyo ng koryente ng mga customer na hindi nakababayad ng kanilang mga bill sa tamang oras. Ito ay nauna nang pinalawig noong Setyembre 2020 at iniusog sa katapusan ng buwan ng Oktubre 2020 upang mabigyan ng karagdagang panahon ang mga konsyumer na makapagbayad ng kanilang mga bill nang hindi nabibigla sa laki ng gastusin. Bago natapos ang Oktubre, sa bisa naman ng kautusan ng Energy Regulatory Commission (ERC), muling pinalawig ang nasabing palugit at ito ay pinahaba hanggang sa katapusan ng buwan ng Disyembre 2020 para sa mga konsyumer na may konsumong 200kWh pababa.
Ngayon ngang nalalapit na ang pagtatapos ng taon at ang nakatakdang pagtatapos ng pagpapatupad ng polisiya ukol sa ‘No Disconnection’, isa na namang magandang balita ang naghihintay sa mga konsyumer. Muling pinalawig ang pagpapatupad ng Meralco ng ‘No Disconnection’ policy nito hanggang sa katapusan ng Enero 2021 sa kahilingan ni House Speaker Lord Allan Velasco. Ito ay upang masiguro na magiging masaya ang Pasko at Bagong Taon ng mga mamamayan.
Nagpadala ng liham si House Speaker Velasco kay Meralco President & CEO Atty. Ray Espinosa upang hilingin na muling palawigin ang pagpapatupad ng ‘No Disconnection’policy nito hanggang sa katapusan ng Enero 2021. Ang nasabing kahilingan ay pinaunlakan naman ni Atty. Ray Espinosa matapos ang pagsusuri sa sitwasyon.
Maaalalang nagsunod-sunod ang mga pananalanta ng bagyo nitong huling yugto ng taong 2020. Batid ng Meralco na bukod sa epekto ng pandemya ay iniinda rin ng karamihan sa mga konsyumer ang naging epekto ng pananalanta ng mga nagdaang bagyo. Ito rin ang dahilan kung bakit malugod na pinaunlakan ng Meralco ang kahilingan ni House Speaker Lord Velasco.
Sa pamamagitan ng isang Facebook post gamit ang opisyal na account ng House of Representatives of the Philippines ay ipinahayag ni House Speaker Velasco ang magandang balita at ang kanyang kagalakan sa muling pagpapalawig ng polisiya ng Meralco ukol sa ‘No Disconnection.
Aniya, malaking tulong sa mga mamamayan ang hakbang na ito lalo na sa mga lubos na naapektuhan ng pandemya at ng mga kalamidad.
Ayon naman kay Atty. Ray Espinosa ng Meralco, higit sa tatlong milyong customer na nagkokonsumo ng 200kWh pababa ang makikinabang sa pagpapalawig ng ‘No Disconnection’ policy na ipatutupad hanggang sa katapusan ng Enero 2021. Ang nasabing bilang ay kumakatawan sa humigit kumulang 47% ng kabuuang bilang ng mga customer ng Meralco.
Sa parehong Facebook post ay nagpahayag din ng pagpapasalamat si Velasco sa Meralco dahil sa ipinamamalas nitong diwa ng Bayanihan at sa pagsasaalang-alang nito sa epekto ng pandemya at kalamidad sa mga konsyumer.
Bagama’t muling pinalawig ang pagpapatupad ng polisiya, hinihikayat pa rin ng Meralco ang mga customer na may kakayahang makapagbayad ng kanilang bill na ipagpatuloy ang pagbabayad ng mga ito.
Nais ding bigyang paalala ng Meralco ang mga konsyumer na bagama’t muling bumaba ang presyo ng koryente ngayong buwan ng Disyembre 2020, ugaliin pa rin ang matalino at masinop na paggamit ng koryente upang mas maramdaman ang nasabing bawas-singil.
Makaaasa ang mga mamamayan at ang pamahalaan na kaisa nito ang Meralco sa anumang pagdaraanan ng ating bansa. Ngayong panahon ng pandemya ay napakahalaga ng pagkakaisa at pagtutulungan sa pagitan ng pamahalaan at ng pribadong sektor upang mas mabilis na makabangon ang bansa mula sa epekto ng pandemya at ng mga nagdaang kalamidad.
Nawa’y ang hakbang na ito ng Meralco ay magsilbing ehemplo sa ibang miyembro ng pribadong sektor.
Comments are closed.