PINABORAN ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin ‘Benhur’ C. Abalos, Jr. ang naging desisyon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. na palawigin pa ang state of calamity para sa COVID-19 pandemic hanggang sa katapusan ng taon.
Una nang nilagdaan ni Marcos ang Proclamation No. 57 na nagpapalawig sa panahon ng State of Calamity sa buong bansa, hanggang sa Disyembre 31, 2022, base na rin sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Ayon kay Abalos, ang ekstensiyon ng state of calamity ng panibagong tatlong buwan ay magbibigay ng dagdag na panahon sa national at local governments para magpatupad ng economic, social, at health interventions upang mapahintulutan ang bansa at mga mamamayan na makaagapay sa new normal at harapin ang hamon ng pandemya.
“With this extension, we commit to continue to shepherd our local government units (LGUs) to sustain their efforts in mitigating and preventing the spread of Covid-19 in their respective localities and to ensure the safety and protection of their constituents against the virus,” ayon sa DILG chief sa isang panayam.
Hinikayat rin niya ang mga local government units (LGUs) na gamitin ang angkop na pondo, kabilang ang Quick Response Fund, upang tugunan ang agarang pangangailangan ng kanilang mga constituents at pabilisin ang kanilang COVID-19 vaccination at booster drive upang palakasin pa ang wall of immunity ng bansa.
Nauunawaan ng DILG chief na ang transition period ay kritikal at nananatili silang committed upang tulungan ang mga LGUs sa pagkakaloob ng episyente, napapanahon at angkop na tugon sa COVID-19 at serbisyo upang maprotektahan ang mga mamamayan sa panahon ng state of calamity.
EVELYN GARCIA