SUPORTADO ni Senador Risa Hontiveros ang pagpapalawig ng work from home arrangement para sa mga manggagawa ng business process outsourcing (BPO) lalo pa ngayong patuloy na tumataas ang presyo ng langis.
“I support the extension of the work from home arrangement for workers especially now that we are in the middle of an oil price crisis,” ani Hontiveros.
Ang pahayag ng senador ay dahil sa pagtanggi ng Fiscal Incentives Review Board (FIRB) na palawigin ang remote work arrangement para sa mga BPO. Kung sakaling hindi sumunod ang mga kompanya, nanganganib na bawiin ang kanilang tax incentives na maaaring makapinsala sa kanilang negosyo at lalong maantala ang kanilang recovery.
Ayon kay Hontiveros, maaari namang baguhin ng FIRB ang mga alituntunin pagdating sa tax incentives.
Idinagdag niya na mas makatwirang hayaan ang mga manggagawa ng BPO na magpatuloy sa work-from-home set-up upang makatulong sa pag-iwas sa epekto ng tumataas na gastos sa transportasyon.
“Dapat bigyan ng option ang mga manggagawa na kung kakayanin ay sa bahay na lang muna magtrabaho para makatipid sila sa gastos sa pamasahe at maibsan ang pagod sakaling bibiyahe. Sa panahong ito, kailangan ng leniency pagdating sa pagpapatupad ng polisiya para sa ikabubuti ng mga manggagawa,” sabi ni Hontiveros.
Dagdag pa ni Hontiveros, bukod sa mga BPO, dapat maging opsyon pa rin ang work-from-home lalo sa mga empleyado na naging maganda ang performance noon pandemic kahit na hindi sila nagrereport sa opisina araw-araw. LIZA SORIANO